Humarap si Nueva Ecija National High School Principal Rowena Caoile sa mga mamamahayag at nilinaw ang mga alegasyon laban sa kaniya sa ikalawang rally na ginanap nitong nakaraang Huwebes, June 14 sa labas ng paaralan bandang alas kwatro ng hapon.
Ayon sa principal, hindi lamang raw matanggap ng mga estudyante at guro ang pagtutuwid niya sa sistemang nakasanayan na sa eskwelahan.

Muling dumepensa si Nueva Ecija High School- Junior High Principal Rowena Caoile sa mga alegasyon ng ilang mga estudyante, magulang at guro na nag-rally laban sa kanya sa harap mismo ng paaralan noong nakaraang Huwebes, June 14.
Pinangunahan ng gurong si Vivencio Sakay, Faculty and Staff President Betty Cortez, Ed Ace Candellaria at Former TLE Dept. Head na si Annie Macapagal ang pag-aalsa.
Kabilang sa mga isyung ibinabato nila sa principal ay tungkol sa graduation toga, gate pass, paghihigpit at pagpapatalsik sa mga guro at empleyado.
Sa panayam kay Caoile mariin nitong itinanggi na siya ang pasimuno sa paniningil ng karagdagang kabayaran sa graduation fee ng mga graduating students noong March 2018 para sa yearbook at toga.
Paliwanag pa niya, 27 sections ang ga-graduate noon ngunit anim na sections lamang ang nabigyan ng toga sa takdang oras kaya’t napilitan siyang ipasaoli na lang ang mga ibinayad ng mga ito.
Sinegundahan naman ito ng presidente ng GPTA o General Parents-Teachers Association ng NENHS na si Ret. CoL Eugeniano Palmaria, ayon sa kanya, napagkasunduan at napag-usapan na raw ng mga magulang ang isyu ng toga sa kanilang general assembly bago magpasukan. Nasa advisers na raw ang mga pera at maaari na rin daw i-claim sa anumang oras.
Inamin naman ni Caoile ang kanyang pagpapatalsik sa isang security guard sa NENHS, ngunit paglilinaw niya ito ay dahil umano sa nilabag na batas ng guwardiya sa gobyerno.
Idiniin din ng principal na ni-relieve niya bilang utility head si Annie Macapagal mula sa pagiging tle department head dahil sa pamumuno umano sa petisyon kontra sa kanya at pagkakaroon aniya ng kaso sa DepEd Central Office.
Karapatan din daw niya bilang principal na ayusin ang mga maling gawi ng mga guro sa kanilang schedule sa paaralan.
Muli ring ipinaalala ni Caoile na may kasunduan sila ng principal ng Senior High School na si Johnny Bacani tungkol sa pagpapapasok at pagpapalabas ng mga estudyante sa gate. – ULAT NI JANINE REYES.