Pinatunayan ng community volunteers mula sa mamamayan at lokal na pamahalaan ng Brgy. Picaleon, General Mamerto Natividad, na kayang makamit ang isang bagay basta’t may sipag at pagtutulungan.

Kagaya na lamang ng Solar Power Street Lights na kanilang pinagpursigehan sa ilalim ng programang Kalahi-CIDSS o kapit bisig laban sa kahirapan- comprehensive and integrated social services at DSWD o Department of Social Welfare and Development.

Opisyal nang sinimulan ang implementasyon ng solar power street lights sa Barangay Picaleon, General Mamerto Natividad, Nueva Ecija sa ilalim ng programang Kalahi-CIDSS ng DSWD at pakikipagtulungan ng Local Government Unit at community volunteers.

Ayon kay Jeffrey Peleriza, Regional Social Marketing Officer ng Kalahi-CIDSS Region III, hindi man agad napondohan ang barangay ay hindi pa rin ito sumuko upang makamit ang minimithing proyekto.

Ang Kalahi-CIDSS ay isang anti-poverty initiative kung saan nabibigyan ng kapangyarihan ang komunidad upang tukuyin ang tunay na problema sa kanilang mga lugar na kailangang solusyonan.

Sa kasalukuyan ay nasa 3rd cycle na ang Kalahi-CIDSS sa bayan ng Natividad. Ilan sa mga sub-projects na naipatupad na ay ang road concreting, street lights at health centers.

Samantala, ipinagdiriwang din ng kalahi cidss ang kanilang CDD month o Community Driven Development Month ngayong Hunyo kung saan isa sa mga aktibidad ay ang BLGU-CV Exchange.

Layunin nito na maipakita ang kahalagahan ng mahigpit na ugnayan ng mamamayan at lokal na pamahalaan gaya ng munisipyo at barangay tungo sa tagumpay. – ULAT NI JANINE REYES.