Pinatunayan ng mga day care workers mula sa bayan ng Zaragoza na hindi pahuhuli ang lalawigan ng Nueva Ecija pagdating sa larangan ng pagkanta.
Ito ay matapos nilang makamit ang kampeonato sa provincial category ng Department Of Social Welfare and Development Region III Chorale Competition sa Convention Center, Palayan City nitong nakaraang Martes, June 13.

Itinanghal na kampeon ang mga day care workers mula sa bayan ng Zaragoza, bilang kinatawan ng Nueva Ecija, sa ginanap na DSWD-Regional Chorale Competition 2018-Province Category sa Convention Center, Palayan City nitong nakaraang Martes, June 13.
Ang nasabing kompetisyon ay bahagi ng 36th General Assembly ng department of social welfare and development DSWD Region III kung saan lumahok ang pitong probinsya sa buong Central Luzon kabilang ang Pampanga, Tarlac, Bulacan, Bataan, Zambales, Aurora, at Nueva Ecija.
Habang nagtagisan din ng galing ang labingapat na siyudad mula rin sa rehiyon sa city-category kung saan itinanghal naman na kampeon ang Mabalacat City, Pampanga.
Bawat kalahok ay may kanya-kanyang istilo at pakulo sa pagkanta ng iba’t ibang Philippine traditional songs gaya ng Leron-Leron Sinta, Bahay Kubo, at iba pa.
Samantala, sa provincial category, itinanghal na 2nd placer ang lalawigan ng Bulacan, habang 3rd placer naman ang lalawigan ng Aurora.
Sa city-category naman, 2nd placer ang Olongapo City at 3rd placer ang San Fernando City, Pampanga.
Ayon kay Nueva Ecija Provincial Social Welfare and Development Officer Elvira Ronquillo, bukod sa pagpapakita ng kanilang skills ay isinasagawa rin nila ang nasabing kompetisyon upang minsan sa isang taon ay magkasama-sama ang lahat ng mga day care workers o child development workers at magkaroon ng bonding.
Samantala ang mga nagwagi ay nag-uwi ng trophies mula sa provincial government at cash prizes. – ULAT NI JANINE REYES.