Sinagot ng mga empleyado ng kapitolyo ang mga alegasyon ni Congressman Ria Vergara sa inisponsoran nitong hearing sa kamara kaugnay sa umano’y iregularidad sa koleksyon at distribusyon ng buwis at butaw sa operasyon ng quarry sa Nueva Ecija.

Pangunahing nilinaw ni Provincial Administrator Alejandro Abesamis na hindi makatotohanan ang halimbawa ni Congressman Ria sa kanyang privilege speech na ang karga ng isang truck na nasa 15 cubic meter ay may fair market value na P300 kada kubiko metro.

Paliwanag nito isinasaad sa opinyon ng BLGF o Bureau of Local Government Finance sa pagtatanong ng Bulacan Aggregates and Truckers Organization Inc., ang kalakarang presyo o fair market value kada cubic meter ng buhangin at bato na tinutukoy sa Section 138 ng Local Government Code of 1991 ay hindi presyo ng pagkabenta sa end user kundi presyo ng bawat metro kubiko ng hanguin sa quarry sites.

Kaya komento ni Provincial Administrator Abesamis na ang expectation ni Congressman Ria na malaking revenue o kita sa quarry ay mali.

Kinumpirma naman ni Provincial Treasurer Rosario Rivera na ang Fair Market Value per cubic meter ng buhangin at bato ay P70 base sa Provincial Ordinance Number 2 series of 2003 na inamyendahan noong taong 2015 na mas kilala bilang Revenue Code of the Province of Nueva Ecija.

Sa umiiral na kalakaran sa lalawigan, kada isang truck na may maximum load na 14 cubic meters ay nagkakahalaga ng P308, kung saan 10% ng Fair Market Value ay P7, P9 sa extraction fee per cubic meter at P6 sa quarry fee per cubic meter, na may kabuuang 22 pesos na iminultiply sa 14 cubic meter na pinapayagan lang na maximum na load ng truck kaya lumitaw ang P308.

Hiningi ni Congressman Vergara ang opinyon ni 2nd Engineering Office ng Department of Public Works and Highways Engineer Ricardo Puno, sinabi nito na may standard price na sinusundan ang kanilang ahensya.

Pinagkumpara ito ni Cong. Ria at sinabing masyadong mababa ang singil ng Pamahalaang Panlalawigan ngunit sagot ni PA Abesamis na hanggang ngayon ay P70 ang sinusunod na kalakarang presyo sa probinsya dahil wala umanong binabanggit ang Revenue Code ng lalawigan hinggil dito pero nagsasagawa na sila ng pag-aaral upang amyendahan ito.

Kinuha rin ang panig ng Project Manager ng Central Luzon Link Expressway na si Engineer Benjamin Bautista, ipinaliwanag nito na P50 per cubic meter ang ibinabayad nila sa mga contractor buhat sa quarry site.

Sa iprinisentang computation ni ENRO Engr. Wilfredo Pangilinan, binigyang diin nito na  ang paghahati-hatian lang ng probinsiya, lungsod o munisipalidad at barangay mula sa kita sa quarry ay ang tax on gravel and sand at hindi kasama ang quarry fee at extraction fee.

Tinuos nito ang naging koleksyon noong 2016 kung saan 41 permits ang in-isyu ng Kapitolyo na minultiply sa 10, 000 cubic meter na volume na pinapayagang hakutin kada permit. Umaabot sa 410, 000 cubic meter ang kabuuang naextract na mga buhangin at bato.

Mula sa 410, 000 cubic meter iminultiply ito sa 7 pesos na tax sa bato at buhangin na umabot sa 2, 870, 000 pesos na siyang hinati sa 30-30-40 percent.

Lumilitaw na ang naging share ng probinsya dito ay nasa P861, 000 na kapareho ng share ng munisipyo o lungsod.—Ulat ni Jovelyn Astrero