Samu’t saring “Pinaka” na uri ng hayop, gulay at prutas ang ibinida sa pagbubukas ng Agri Trade Fair sa bayan ng Talavera bilang parte ng selebrasyon ng Linggo ng Magsasaka ngayong taon.

Ang mga produkto ay ani at alaga ng mga magsasaka sa naturang bayan na nagpapatunay na masigla ang sektor ng agrikultura sa talavera.

Ilan sa mga ito ay ang pinakamahabang gulay na upo, patola, talong at ampalaya.

Mayroon ding pinakamalaking singkamas, mangga at kalabasa.

Habang ang manok na ito ang isa sa pinakamabigat na hayop na nagtitimbang ng halos limang kilo.

Ayon kay Mayor Nerivi Santos-Martinez, ang selebrasyon ay handog para sa mga magsasaka bilang pasasalamat sa kanilang pagsisikap na magkaroon ng sapat na pagkain at upang ibida ang kanilang mga ipinagmamalaking produkto.

Tampok din ang local products ng mga kooperatiba at maliit na negosyante na mabibili sa murang halaga.

Sa pahayag ng ilang negosyante, sana ay tangkilikin ng publiko ang mga lokal na produkto upang mas lalong umunlad ang mga mamamayan dito.

Ang Agri Trade Fair ay tatagal ng dalawang araw hanggang May 10, 2018. –Ulat ni Danira Gabriel