July 10, 2014 — Inilahad ng NGCP o National Grid Corporation of the Philippines sa mga mamamahayag sa ginanap na press conference ang kanilang TDP o Transmission Development Plan sa susunod na sampung taon sa mga lalawigan ng Nueva Ecija at Aurora.

Ang NGCP ay pinatatakbo ng pribadong korporasyon, kung saan 60% nito ay pag-aari ng Monte Oro at Calacan High Power Corporation kapwa mga Pilipinong kompanya. Habang ang natitirang 40% ay hawak ng State Grid na isang Chinese Corporation.

Pangunahing  tungkulin ng  NGCP ang maghatid ng kuryente. Nagsisilbi itong daanan ng kuryente mula sa mga power plants patungo sa mga distribution utilities hanggang sa makarating sa mga konsumidores.

Layunin ng TDP na naglalaman ng 10-year program ng NGCP na maabot ang inaasahang pagtaas ng pangangailangan sa load ng grid, para sa taong 2020 na tinatayang aakyat sa 210 Mega Watts at matiyak na walang maging sagabal sa paghahatid ng load ng kuryente galing sa mga power plants.

Tuwing tag-araw ay mababa umano ang boltahe sa Cabanatuan substation na may 230 kilovolts na nagse-serbisyo sa ating lalawigan at Aurora, partikular sa mga sumusunod na distribution utilities: NEECO 1 and 2, Sajelco, Celcor, Aurelco, CLSU, Gapan Ice Plant, NIA, Pantabangan Hydro Electric Power Plant at FCVC.

Hinihintay na lamang umano na aprubahan ng ERC o Energy Regulatory Commission ang ini-apply na mga programa para mabawi ang kanilang mga ginastos para sa mga proyekto.

Kabilang sa mga nakahanay na mga proyektong prayoridad ng NGCP ang upgrading ng mga depektibong circuit breakers, na kapag hindi umano naayos ay baka hindi makapag-deliver ng kuryente sa San Manuel, Pantabangan, at Cabanatuan.

Pagpapalit ng 300 MVA transformer upang palakihin ang capacity ng kasalukuyang 100 MVA transformer ng Cabanatuan substation.

Pagpapagawa ng Pantabangan-Baler-Dinadiawan-Santiago transmission loop upang paikliin ang napakahabang linya na galing pa ng Cabanatuan na nakakonekta hanggang sa Baler, Aurora.

At pagpapalit ng lumang single circuit facility na umaabot na sa 50 years old na gagawin ng double circuit para mas maging reliable.