Isa si Marlon Gorospe sa mga mamamayan ng Quezon na mabebenipisyuhan ng Negosyo Center na inilunsad sa kanilang bayan nitong March 14.
Dati-rati ay nagtutuno pa aniya sila sa DTI o Department of Trade and Industry ng Lungsod ng Cabanatuan kapag may kailangang ayusin para sa kanilang negosyo.
Kabilang din sa mga residente ng Quezon si Editha Sta. Ana na matutulungan ng negosyo center sa pagsisimula ng isang negosyo sapagkat malapit na aniya sa kanila ang Negosyo Center.
Sa bagong bukas na Center ay maaaring mag-ayos ng mga kailangan sa negosyo gaya ng business permit, registration ng trade names at pati na rin ang mga skills trainings at seminars.
Ribbon cutting of DTI Negosyo Center in Quezon, Nueva Ecija. (Photo courtesy of Provincial Turism Officer Lorna Vero)
Ayon kay Carlito Corpuz, Business Permit and Licensing Officer ng Quezon, mayroon silang 423 registered business establishments nitong nakaraang taon pero kalahati lamang aniya ang nakakatanggap ng serbisyo ng DTI. Kaya naman isa sa mga layunin ng pagtatayo ng naturang center ay upang mas mapalawak ang kaalaman sa negosyo ng mga business owners sa Quezon.
Aniya, nakikita niya ang Negosyo Center bilang extension arm ng DTI para sa mga mamamayan ng Quezon at sa mga karatig bayan nito.
Samantala, magkakaroon din ng iba’t-ibang produkto ng mga Micro, Small and Medium Enterprises sa naturang Negosyo Center. –Ulat ni Irish Pangilinan