Iginawad na ng DSWD Field Office III sa Provincial Government ang listahan ng mga mahihirap sa lalawigan ng Nueva Ecija nitong July 5, 2018 na ginanap sa Old Capitol, Cabanatuan City.
Ang kumpletong datos ng listahan ng mahihirap na sambahayan ay iniabot ni Director Gemma Gabuya kay Gov. Cherry Umali.
Nauna nang ipinahayag ng Ina ng Lalawigan, sa unang quarterly meeting ng DSWD noong February, 2018, na ang listahan ay kanilang gagamitin sa pagtulong sa mga mahihirap na kaniyang nasasakupan at sisiguraduhin na ito ay gagamitin sa tamang paraan.
Aniya, ang hakbang ay bahagi ng “Malasakit” ng pamahalaan sa mga Novo Ecijano.
Binanggit naman ni Elvie Ronquillo Provincial Social Welfare and Development Officer, na malaking tulong sa kanilang opisina ang listahanan dahil malalaman nila kung sinu-sino ang maisasama sa kanilang mga programa at proyekto kabilang ang mga indigenous peoples.
Ang Nueva Ecija, ang ikatlong probinsya na nagawaran ng kumpletong datos ng listahan ng mahihirap, kasunod ang mga probinsiya ng Bataan at Zambales.
Nakapagsumite ng kumpletong dokumento ang mga probinsya sa DSWD Region III para sa listahanan data sharing na alinsunod sa RA 10173 o Data Privacy Act of 2012. –Ulat ni Danira Gabriel