Makapagbigay ng karagdagang kaalaman at magkaroon ng pagtutulungan upang mapagyabong ang farm tourism sa Nueva Ecija, ito ang layunin ng isinagawang consultative workshop na dinaluhan ng mga provincial agriculturists, tourism officers at farm owners sa Leoni Agri. Corp Farm sa bayan ng Sta. Rosa nitong March 7.

Ayon kay Provincial Tourism Officer Lorna Mae Vero, ang farm tourism ay nag-aanyaya sa mga turista upang masaksihan ng mga ito ang proseso kung paano nagtatanim at umaani ng mga Agricultural products tulad ng palay, gulay at pagpapadami ng mga Farm Animals tulad ng pagkakalabaw.

Ayon naman sa Officer-in-charge ng Department of Tourism Region III na si Carolina Uy, ang pagsasagawa ng mga consultation workshop ay nakasailalim sa Republic Act No. 10816 o Farm Tourism Development Act of 2016 na may layuning magkaroon nng dagdag kita para sa mga magsasaka.

Samantala, tinalakay naman ng TESDA o Technical Education and Skills Development Authority tungkol sa PAFSE o Program on Accelerating Farm School Establishment na may layuning matiyak na sapat ang kaalaman at kakayahan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mga bagong kagamitan at entrepreneurial activities na hatid sa kanila upang mapaunlad ang kanilang sinasaka at gayundin ang sektor ng agrikultura.

Ibinahagi rin ng Department of Agriculture ang kanilang mga programa katulad ng Rice Program, High Value Crops Development Program, Corn and Cassava Program at Livestock Program.

Nagsilbi namang keynote speaker ang DOT consultant sa Farm Tourism na si Cheryl Marie Caballero na nagbahagi rin ng ilang kaalaman. Aniya, ang farm tourism ay isang ugnayan sa pagitan ng agrikultura at turismo. Binibigyang diin dito ang mga kasanayan ng mga magsasaka na maaring magamit sa pagpapaunlad ng agrikultura at turismo.

Sa pamamagitan ng pagsasama-sama at pagsasanib ng mga kaalaman, talento at abilidad ng mga naturang partisipante ay inanasahang mas mapapaunlad ang sektor ng pagsasaka sa Lalawigan ng Nueva Ecija na itinuturing na Rice Granary of the Philippines at tuluyang maiangat ang probinsya sa pamamagitan ng pagdagsa ng mga turista at paglaki ng kita ng mga mamamayan. –Ulat ni Irish Pangilinan