Ibinida ang ibat-ibang disenyo ng mga naglalakihang tsinelas bahagi ng kanilang pagdiriwang ng ika-labintatlong taong pagkakatatag ng Gapan bilang isang lungsod noong Lunes August 25 sa pamamagitan ng isang simpleng parada.

Maaga pa lamang ay nakagayak na ang dalawampu’t dalawang kasali sa parada kasama ang mga kawani ng pamahalaang panglunsod.

Hindi matawaran ang pagdagsa ng daan-daang manonood dahilan na rin ng hindi pag-usad ng mga sasakyan.

Nakiisa rin sa pagdiriwang ang Kapamilya model/ actor na si Jc De Vera, Cast ng Walang Tulugan na pinagungunahan ni Master Showman Kuya Germs, Loveteam ng syete na sina Bea Binene at Jake Vargas, mga banda ng Gapan at Peñaranda at mga nagwagi sa Mutya ng Gapan noong Sabado August 23.

Ang Tsinelas Festival ay isa sa ipinagmamalaking atraksyon ng mga taga-Gapan dahil sa kalidad o tibay ng kanilang gawang produkto ng mga nagtsitsinelas sa nasabing lungsod.

Ayon sa mga nagtsitsinelas sa Gapan City, isyu na kailangang pagtuunan ng pansin ng City Government ay ang pagpasok ng mga imported na mga tsinelas na galing sa bansang China dahil ito ang pumapatay sa industriya ng tsinelas sa Gapan dahil sa  sobrang baba ng presyo ng produkto.

Nangako naman ang City Government na kanilang tutulungan ang mga nagtsitsinelas para lalo pang makilala ang Gapan City pagdating sa paggawa ng tsinelas.- Ulat ni Shane Tolentino