Nagsama-sama ang ilang mga negosyante ng lalawigan sa binuo ng Department of Trade and Industry ng Nueva Ecija na Micro, Small and Medium Enterprise Summit na ginanap kahapon, January 31 sa Alessandra’s Banquet Hall, Cabanatuan City.

Isa sa mga naging highlight ng pagtitipon ay ang talakayan patungkol sa kung paano haharapin ng mga negosyante ang mga problema at pagbabago sa kanilang negosyo. Bawat isa ay interesadong nakinig sa tagapagsalita na si Dr. Leah S. Corpuz ng University of Cordillera dahil sa nakakaaliw nitong paraan ng paglalahad ng mensahe.

Ayon kay Provincial Director ng DTI-NE na si Brigida Pili, isa sa mga layunin sa ginanap na summit ay mapag-usapan ang mga accomplishments o mga proyektong naisagawa sa nagdaang taon katulad ng Kapatid Mentor Me, Regional Trade Fair at marami pang iba.

Tumanggap ng parangal mula sa DTI ang 34 na negosyante sa Nueva Ecija na nagpakita ng sipag at may mga natatanging ambag para sa ekonomiya.

Dagdag pa ni Pili, mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga MSMEs dahil nakakatulong sa ekonomiya ang mga investments na nagmumula sa kanila at nakakalikha rin sila ng trabaho. Kaya naman binigyan parangal ng DTI-NE ang tatlumpu’t apat na mga negosyante sa lalawigan.

Nahati sa tatlong kategorya ang parangal na iginawad kung saan labing-apat ang nakatanggap ng Promising Award. Labing lima naman ang ginawaran ng Outstanding Award habang limang awardees naman ang para sa Most Outstanding Award.

Isa rito ang Kababaihang Masigla ng Nueva Ecija na may negosyo sa organic ariculture. Aniya, isa sa kanilang pinapahalagahan ay ang maayos na paghahati-hati ng mga trabaho sa kanilang mga manggagawa. Nagpayo rin ito para sa mga magsisimula pa lamang sa negosyo na magpaturo sa DTI sapagkat malaki aniya nag maitutulong nito.

Isa rin sa mga awardee ay ang Golden Beans and Grains Producers na nagsabing malaki ang naitulong ng DTI sa kanilang kooperatiba. –Ulat ni Irish Pangilinan