Kung si Cabanatuan City Vice Mayor Anthony Umali umano ang magdedesisyon para sa malaking tipak na nagkakahalaga ng 33 milyong piso ng Supplemental Budget, ay dadalhin nito sa programang pangkalusugan, pangkabuhayan, at pang-edukasyon ang pondo at hindi para sa Earth dike na nakapaloob sa pina-aaprobahang mga pahabol na proyekto para sa taong kasalukuyan.

Ito ang mariing pahayag ni Vice Mayor Umali sa kanyang panayam matapos ang muling pagdinig ng Committee of the Whole sa Supplemental AIP for 2017.

Sa ginanap na pagdinig noong biyernes, tinanong ni Vice Mayor Umali kung ilang taon ang gugugulin upang magawa ang Earth Dike project.

Sagot ni Engineering Head Lauro Pangilinan kung makakukuha ng sapat na pondo para sa tuloy tuloy na konstruksyon ng naturang proyekto ay aabutin ito ng apat na taon.

Tanong muli ng Bise Alkalde, kung apat na taon ang pagawain at 1st phase na may habang 1.5 kilometers pa lamang ang cover ng P33-M na pondo na kukunin mula sa Supplemental Budget, saan kukuha ng pondo para sa natitira pang 14.5 kilometers ng Earth Dike.

Ayon kay Budget Officer Lorie Jacinto, maglalaan ng P40-M na pondo sa Annual Investment Plan ng 2018 ang City Government at inaasahan aniya ang malaking surplus mula sa 2017 budget na siyang pagkukunan ng pondo para sa konstruksyon ng Earth Dike.

Ngunit sinabi ni Vice Mayor Umali na hindi sapat ang halagang P40-M na pondo para sa pagawain lalo’t hindi pa din aniya sigurado ang surplus ng 2017.

Giit ni Umali, sumusugal ang City Government sa P33-M pondo para sa unang bahagi ng proyekto, kaya dapat aniya ay magkaroon ng buong programa para dito.

Ayon kay Dory Pineda, consultant under the Office of the Mayor, kung dumating man sa punto na wala ng ibang mapagkukunan ng pondo para sa tuloy-tuloy na konstruksyon ng proyekto ay maaaring umutang ang LGU sa Lending Institution.

Maliban dito ay kinonsidera din ni Pineda ang adjustment ng tax rate na maaaring pagkunan ng pondo para sa nasabing proyekto.

Sa kasalukuyan umano ay aabot na lamang sa 177 million pesos ang pagkakautang ng City Government at sa darating na Enero ng susunod na taon ay inaasahang mababayaran na ng buo ang pagkakautang at maaari na umanong muling makautang ng isang bilyong piso.

Nilinaw din ni Umali na kaya nito inaalam ang pagkukunan ng pondo at pinakukumpleto ang programa ng Earth Dike ay upang hindi ito masayang sa mga darating na panahon.

Dismayado at ikinalulungkot umano ng Bise Alkalde ang kinapuntahan ng halagang P33-M na sana ay napunta na lamang sa mas karapat-dapat na mga proyekto at mas kapaki-pakinabang para sa mga Cabanatueño.—Ulat ni Jovelyn Astrero

https://youtu.be/9g5TI5kaKMc