May personal na galit umano ang ilan sa mga nagrereklamong residente ng Brgy. Sto. Cristo, San Isidro sa may-ari ng Vallarta Hog Farm kaya pilit nila itong ipinasasara.

Ito ay ayon sa pahayag ng pamangkin ng may-ari na si Evangeline Delos Reyes, sa eksklusibong panayam ng Balitang Unang Sigaw sa kanya.

Aniya, 1970’s pa nagsimulang mag-operate ang kanilang piggery at noo’y wala pang masyadong kabahayan sa paligid nito.

Paki-usap nito sa mga taong nagrereklamo na sana’y patahimikin na sila ng mga ito dahil marangal aniya silang naghahanap buhay.

Dagdag nito, nang mamayapa na ang kinagisnan nitong ina ay inakala niyang matatapos na ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng kanilang pamilya at ng ilang mga nagrereklamo sa kanilang piggery.

Sinagot naman ng pamangkin ni Lilia Valle na nauna ng nakapanayam ng Balitang Unang Sigaw ukol sa reklamo sa mabahong amoy na dulot ng piggery, na si Jerry Valle Gecale ang umano’y personalan sa naturang reklamo.

Itinanggi nito na personalan ang namamagitan sa kanilang pamilya at sa may-ari ng piggery, tungkol aniya ito sa mabahong amoy na idinudulot ng naturang babuyan at hindi tungkol sa anumang hidwaan.

Samantala, ayon kay Brgy. Secretary Renato Dungao, naiakyat na nga sa itaas ang away sa babuyan dahil hindi nagkaayos nang magkaharap ang mga ito sa barangay.

Pinauubaya na aniya nila ang desisyon kung saan man makarating ang naturang reklamo, at anuman ang kalabasan nito ay siya naman nilang ipatutupad.

Sa panayam naman kay Mayor Dong Lopez ng San Isidro, sinabi nito na may kapangyarihan ang Munisipyo upang maipasara ang piggery ngunit kinakailangan itong dumaan sa tamang proseso.

Giit nito, sa kabila ng ilang ulit na pagsasagawa ng inspeksyon sa inirereklamong babuyan ay palagi umanong negatibo sa mabahong amoy ang piggery.

Dahil hindi magkasundo ang mga nagrereklamo at ang may-ari ng Piggery ay ipauubaya na rin aniya nito sa Korte ang desisyon.

Mabahong amoy na nagiging sanhi umano ng pagkakasakit partikular na ang hika, ang isa sa inirereklamo ng mga residenteng nakatira malapit sa piggery.— Ulat ni Jovelyn Astrero