“Kabado at excited”, ito ang naramdaman ni bagong upong Gov. Czarina “Cherry” Umali habang siya ay nagbibigay ng mensahe sa harap ng mga kawani ng kapitolyo sa kanyang pagdalo sa Flag Raising Ceremony, noong lunes, bilang kauna-unahang babaeng Gobernador ng probinsiya.

     Nakapaloob din sa kanyang pahayag ang mga ninanais niyang ipatupad sa ilalim ng kanyang pamumuno. Kagaya ng pagbabawal sa mga nakasimangot na empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan.

    Gov. Cherry Umali, habang masayang nakikipag-selfie kay Bishop Rommel Cariñoso.


   Gov. Cherry Umali, habang masayang nakikipag-selfie kay Bishop Rommel Cariñoso.

      Nais ng bagong Gobernador na nakangiti at maging magalang ang mga kawani ng Kapitolyo sa kanilang pag-aasikaso sa mga taong mangangailangan ng kanilang tulong.

     Dagdag pa ng Gobernadora, hindi na rin niya papayagan ang pagkakaroon ng  magarbong programa o selebrasyon, na wala namang saysay at pakinabang sa mga maliliit na mamamayan.

     Muli rin niyang binanggit ang mga programa na kanyang tututukan sa ilalim ng kanyang administrasyon, numero uno sa kanyang listahan ay ang pagpapalakas ng agrikultura, sumunod ang serbisyong pangkalusugan, pagpapalawak ng scholarships program, imprastraktura, problema sa kuryente at pagpapalawak ng internet, at ang pagbibigay ng hanap-buhay at tuloy-tuloy na kaunlaran sa mga mamamayan.

     Ngunit, hindi umano niya maisasakatuparan ang lahat ng ito nang nag-iisa.

     Sa huli, ay kanya ding sinuguro na walang dapat ipag-alala ang mga empleyado ng Kapitolyo dahil itutuloy niya o hihigitan pa ang pagkalinga na ginawa ni Former Gov. Aurelio “Oyie” Umali sa kanila. -Ulat ni Danira Gabriel