Importante na ang bawat Munisipyo at Siyudad sa Lalawigan ng Nueva Ecija ay magkaroon ng LYDO o Local Youth Development Officer upang masiguro na ang mga programa at proyekto ng Pamahalaan para sa mga kabataan ay magtuloy-tuloy.
Ito ang pahayag ni Provincial Youth Development Chairman Billy Jay Guansing sa kauna-unahang Capacity Building Seminars para sa mga Local Youth Development Officer at Focal Persons for Youth ng tatlumpu’t dalawang Local Government Unit sa probinsya.
Ayon kay Guansing, sa kautusan ng Department of Interior and Local Government sa ilalim ng Republic Act 10742 o ang Sangguniang Kabataan Reform Act ay binigyan ng tungkulin ang mga LYDO na maging katuwang ng SK para sa pagpapa-unlad sa sektor ng mga kabataan.
Sinabi din nito na dahil sa nagbabadyang postponement ng SK ay mananatiling bakante ang posisyon kaya napakahalaga na magtalaga ng mga LYDO ang mga Local Chief Executives.
Ipinagmalaki din ni Guansing na ang Nueva Ecija sa inisyatiba ni Governor Czarina “Cherry” Umali ay isa sa mga kauna-unahang tumalima sa buong bansa sa kautusan ng DILG na bumuo at magtatag ng Provincial Youth Development Office na sisiguro sa kapakanan ng mga kabataan.
Samantala, layunin ng isinagawang Capacity Building Seminars na mahubog at mapalakas ang mga kakayanan ng mga LYDO at Focal Persons for Youth upang maging mas epektibo sa paglilingkod para sa kapakinabangan ng mga itinuturing na mga pag-asa ng ating bayan.
Bilang kinatawan ni Governor Cherry Umali ay nagsilbing Panauhing Tagapagsalita si Senior Technical Consultant of the Office of the Governor Ato Ponce.
Sa kanyang mensahe ay sinabi nito na mahalaga at dapat na pagtuunan muna ng pansin o pokus ang paghubog sa mga kabataan sa kasalukuyan upang maging pag-asa ng bayan sa hinaharap.
Nakatuon ang dalawang araw na seminar sa pagtalakay sa Roles and Duties, Functions and Responsibilities ng mga LYDO sa ilalim ng SK Reform Law, tatalakayin din ang tungkol sa National Youth Assessment Study ng National Youth Commission, at Formulation Workshop para sa Creation of Local Youth Development Plans para sa Municipal and City level.—Ulat ni Jovelyn Astrero