Binasag na ni Vice Mayor Anthony Umali ang kaniyang pananahimik patungkol sa isyu na di umano ay siya ang pumipigil sa paghahakot ng mga basura sa lungsod ng Cabanatuan.
Ayon kay Umali, wala siyang kakayahan na ipatigil o ipahinto ang paghahakot ng mga basura.
Malinaw aniya, na isa na namang maduming uri ng politika ng kalaban ang ugat nito.
Hindi umano dapat basta nagpapadala sa mga maling impormasyon ang mga Cabanatueño. Kundi, dapat alamin muna ang katotohanan sa likod ng mga mapanirang balita.
Matatandaan na sinampahan ng kaso ng ombudsman si Mayor Jay Vergara, alinsunod sa paglabag nito sa Republic Act 9003 o Philippine Ecological Waste Management Act of 2000.
Ayon sa Ombudsman, sinuway ni Vergara ang section 37 na nagpapatigil sa operasyon ng mga open dump sites.
Sa pamumuno ni Former Mayor Alvin Vergara noong 2008 ay dati nang naipasara ang dumpsite. Ngunit, ng bumalik si Mayor Jay ay muli itong binuksan at ibinalik ang operasyon.
Hindi alintana sa mga Cabanatueño na ang mabaho at wala sa ayos na tone-toneladang tambak na mga basura sa Valle Cruz Dump Site ay isa sa malaking problema ng siyudad.
Payo ng Bise Alkalde, aksyunan na ito ng sangguniang members upang mabigyan ng solusyon ang naturang problema. –Ulat ni Danira Gabriel