Mas pinalawak at mas pinagandang CRK o Clark International Airport ang asahan ng mga pasahero mula sa gitna at hilagang luzon sa susunod na limang taon.
Ito ang inihayag ni CRK President and CEO Alexander Cauguiran, sa ginanap na CRK North Philippines Roadshow sa Cabanatuan City.
Aniya, layunin ng CRK na mas mapalapit at mas mapaginhawa ang paglalakbay ng mga pasahero sa loob at labas ng bansa.
Sa kasalukuyan, ay nasa 4.2 milyong domestic at international passengers ang kaya nilang pagserbisyuhan kada taon.
Ngunit, base sa Master Development Plan ng CRK, plano nitong magpatayo ng tatlo pang malalaking terminal, runways at taxiways.
Kung saan, kapag naitayo na ang 2nd phase ay maaari ng dumoble sa 8 milyong pasahero ang kayang i-accommodate ng CRK sa susunod na limang taon o bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Habang pagdating sa 3rd phase, ay lolobo na ito sa 22 milyong at kapag naitayo na ang 4th phase ay aabot na sa 80 milyong katao ang target nilang okupahin kada taon.
Kabilang sa mga partner airline companies ng CRK ay ang Air Asia Airlines, Cebu Pacific, Dragon Air, Jin Air, Emirates, Qatar Airways, Philippine Airlines, Air Asia and Tiger Air. –ULAT NI DANIRA GABRIEL