Itinatayo na sa kasalukuyan ng Korean-Cambodian-Philippines A and C Construction Company ang pundasyon ng crusher o pandurog ng tone-toneladang bato na bumara sa Amalungan creek sa Sitio Bateria, barangay Bagting sa bayan ng Gabaldon.

   Sa panayam kay Engineer Christian Baria, sinabi nito na pangunahing layunin ng proyekto na tanggalin ang mga tumambak na bato sa daluyan ng tubig sa sapa na nagdudulot ng flashflood sa naturang lugar tuwing umuulan at bumabagyo.

Sinisimulan nang itayo ng KCP-A & C Constuction Company ang pagtatayo ng pundasyon ng crusher sa Sitio Bateria, Bagting, Gabaldon.

Sinisimulan nang itayo ng KCP-A & C Constuction Company ang pagtatayo ng pundasyon ng crusher sa Sitio Bateria, Bagting, Gabaldon.

   Matatandaan na noong nakaraang taon, tatlong beses na nabarahan ang hi-way sa Sitio Bateria dahil sa pagbabaw ng Amalungan Creek. Imbes na sa 18 box barrel culvert o imburnal dumaloy ang tubig baha na may kasamang lupa at bato sanhi ng landslide o pagguho ng bundok ay sa kalsada ito dumaan at naipon.

   Sa pamamagitan umano ng crusher, magagawa nitong durugin ang mga bato upang maging buhangin at graba na pwedeng ihalo sa semento at aspalto para makagawa ng kalsada at tulay.

   Makatutulong din ani Engineer Baria ang kanilang kompanya para magkaroon ng pagkakakitaan ang mga taga-Bagting dahil sitenta porsyento ng kanilang mga trabahador ay mga taga roon.

   Sinimulan ng KCP- A & C ang kanilang operations noong September 2016 at inaasahang matatapos sa June 2017.- ulat ni Clariza de Guzman