Sa pahintulot ni Provincial Development Council (PDC) Chairman Gov. Czarina “Cherry” Umali ay inilatag ni Engr. Dennis Agtay, member ng Local Finance Committee, ang mga karagdagang proyekto sa ilalim ng Annual Investment Plan 2017 para sa Nueva Ecija.

Ayon kay Newly Elected Vice Chairman ng PDC at Peñaranda Mayor Ferdinand “Blueboy” Abesamis, ang mga proyekto na iprinisinta ay karagdagan lamang sa inaprubahang aip noong Setyembre, 2016.

Aniya, mas maraming proyekto,mas maunlad na lalawigan.

Ang mga idinagdag na proyekto ay ang mga sumusunod.

Bukod sa P130-Million na inilaang pondo para sa Provincial Disaster Risk Reduction Management (PDRRM) Plan sa naunang AIP, ay magdaragdagan pa ito ng P31-Million para sa rehabilitasyon ng Quezon River Bank at pagpapalawak ng daan sa dike ng Brgy San Andres, sa bayan din ng Quezon.

Pagdating sa local roads, mas lalong pasisiglahin ang turismo at pabibilisin ang kalakalan sa lalawigan kapag nagbukas na ang mga daan paikot sa mga karatig-probinsiya na nagkakahalaga ng P600-Million, habang P522-Million naman sa Concreting/Widening ng Cabiao-Gapan City-Peñaranda Road.

Isa sa mga pinagbubuhusan din ng pondo ngayon ng Provincial Government ang Slope Protection Projects para sa mga bayan ng Gabaldon, Laur, Bongabon, Gen. Natividad at San Jose City upang hindi na maulit ang malaking pinsalang idinulot ng mga nagdaang bagyo nitong mga nakaraang taon.

Ito ay umaabot ng P32-Million para sa Gabion Revetment, sa bayan ng Gabaldon; P25-Million sa Rehabilitation ng River Control Structures, sa bayan ng Bongabon; halos P7-Million sa pagsasa-ayos ng Flood Control Structures (Gabion Works) sa Laur; P2.4-Million sa pagpapatayo ng 3-barrel box culvert sa Gen. Natividad at P13-Million sa Slope Protection sa San Jose City.

Idagdag pa rito, ang P1.1-Million na pagpapagawa ng 2-barrel box culvert sa Sta Rosa at P2.3-Million 3 barrel box culvert sa Gen. Natividad.

Nakasama rin sa AIP ang pagsasaayos ng Bridge 1 and 2 ng Aliaga-Sto Domingo Road sa halagang P39.5-Million.

Nais din ng Pamahalaan Panglalawigan na siguraduhin ang mga patubig sa mga bukirin sa buong lalawigan. Kaya’t kabi-kabilang Small Water Impounding Projects (SWIP) ang pinaglaanan ng pondo sa mga bayan ng Lupao, Bongabon, at Gen. Tinio. Habang tigalawang magkakaibang lugar naman sa mga bayan ng Talugtug, Palayan City at Cuyapo.

Kabuhayan at trabaho ang inaasahang maibibigay ni Gov. Cherry sa mga Novo Ecijano kapag natapos na ang pagtatayo ng Swine Breeding Facility sa Palayan City na nagkakahalaga ng P200-Million.

Matapos mailatag ang mga proyekto, ito ay agarang inaprubahan ng buong miyembro ng PDC.

Samantala, inaprubahan din ng PDC na maisama ang lungsod ng Palayan at bayan ng Bongabon sa Provincial Comodity Investment Plan (PCIP) ng lalawigan pagdating sa sibuyas.

Naisama ang dalawang lugar sa  Priority Locality Sub Projects ng Philippine Rural Development Program (PRDP) ng Department of Agriculture, na kasalukuyang kinabibilangan ng mga bayan ng Llanera, Guimba, Talavera at Sto Domingo.

Layunin nito na matulungan ang mga nasabing bayan na mapaunlad pa ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng mga pondong ibababa ng National Government.-Ulat ni Danira Gabriel