Kinumpirma ni Mayor Rolando Bue ng Bayan ng Gabaldon na maliban sa Mini Hydroelectric Power Plant na nakatakdang simulan ngayong taon ng Constellation Energy Corporation ay isa pang Hydropower Plant ang planong ipatayo ng United Hydro Power Builders sa naturang bayan.

   Ayon kay Mayor Bue, katuwang ng Constellation Energy Corporation ang Alternergy Mini Hydro Corporation sa pagpapatayo ng naunang Hydropower project na pinangalanan nilang Dupinga Mini Hydro Corporation o DMHC.

   Habang ang United Hydro Power Builders naman ay kasalukuyan pang nagsasagawa ng feasibility studies o pag-aaral para sa isa pang Hydropower project na itatayo din sa Dupinga River at kasalukuyan pa umanong nakikipag-ugnayan sa mga katutubo para sa konsultasyon para sa permiso ng mga ito.

   Nilinaw ni Mayor Bue na ang dalawang hydropower project ay walang itatayong dam, paliwanag nito na dadaloy ang tubig sa tubo at sa loob ng tubo ay naroon ang turbina kung saan maiimbak ang mga tubig na gagamitin upang makalikha ng kuryente.

   Kapag naipatayo na ang proyektong ito ay maaaring masupplyan ng kuryente ang nasa dalawampu’t tatlo hanggang dalawampu’t apat na libong kabahayan sa Bayan ng Gabaldon.

   Naniniwala din si Mayor Bue na maaaring bumaba ang bayarin sa kuryente ng mga residente oras na maisakatuparan na ang naturang proyekto.

   Giit ni Mayor Bue, malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng Hydropower project upang maipreserba ang mga natitira pang likas na yaman kung saan may malaking partisipasyon at gampanin dito ang mga katutubo. –Ulat ni Jovelyn Astrero