Tila nalusaw ang pag-asa ng mga SSS pensioners sa di umano’y malabong pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang P2,000 dagdag pensiyon. Ngunit, ayon sa ahensiya patuloy ang kanilang ginagawang pag-aaral upang maibigay na ang pension hike na hindi nasasa-alang-alang ang kanilang pondo.
Humihingi ng pasensiya at pang-unawa sa kanilang mga pensioners ang Social Security System (SSS) sa balitang napipintong pagbasura ng panukalang P2,000 across the board na umento sa buwanang pensiyon ng mga miyembro ng ahensiya.
Ayon kay Maureen Inocencio Senior Communications Analyst ng SSS, wag mawalan ng pag-asa dahil hindi sumusuko ang ahensiya sa pakikipag ugnayan sa Office of the President ukol sa pension hike.
Kamakailan lamang, ay nagpahayag si Budget Sec. Benjamin Diokno na tila malabong pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako niyang pagtupad sa dagdag pensyon.
Aniya, iba ang Candidate Duterte sa President Duterte, na ikinadismaya ng mga pensiyionado.
Paglilinaw naman ni Inocencio, hindi tumitigil ang ahensiya sa pagsasagawa ng mga pag-aaral upang bigyang katuparan ang hirit na pension hike. Patuloy pa rin aniya ang kanilang paghahanap ng win-win solution upang maibigay na ang inaasam na pension increase sa mga miyembro na hindi nasasa-alang-alang ang pondo ng SSS.
Ilan sa mga opsyon na ibinigay ng SSS ay ang contribution increase, investments, public-private partnerships at pangongolekta sa mga kumpanyang hindi naghuhulog ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.
Matatandaan na vineto ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang SSS pension hike noong January 2016. -ULAT NI DANIRA GABRIEL