Muling pag-aaralan ng Constellation Energy Corporation ang planong pagpapatayo ng Hydro Power Plant sa Dupinga, bayan ng Gabaldon dahil sa pagbabagong naganap sa mismong lupang pagtatayuan nito dulot ng bagyong lando at nona.
Sa panayam kay Gabaldon Municipal Administrator Crusito Dela Cruz, sinabi nitong sisimulan na sana ang konstruksyon ng Dupinga Hydroelectric Power sa ilalim ng American Company na Constellation Energy Corporation, kung hindi nasalanta ng bagyong Lando at Nona ang lalawigan ng Nueva Ecija na nagresulta ng pagguho ng lupa sa mga kabundukan.
Inaprobahan ng DOE o Department of Energy ang implementasyon ng 3 megawatt hydro power project noong taong 2013, dapat sana ay nasimulan na ito noong 2014 at inasahang matatapos noong October 2015.
Ayon kay Dela Cruz, ito ay itatayo sa ilalim ng BOT o Build-Operate-Transfer, na nangangahulugan na pagkalipas ng humigit kumulang dalawampung taon ay ililipat na ang pamamahala nito sa Lokal na Pamahalaan.
Pabor naman ang mga katutubong Dumagat na naninirahan sa Dupinga sa pagpapatayo ng nasabing proyekto, dahil sa pangakong trabaho para sa kanila.
Kung may mga pumapabor ay mayroon din namang nangangamba sa maaaring maging epekto nito sa kalikasan, katulad na lamang ni Professor Vergil Tena ng NEUST-Gabaldon. -Ulat ni Jovelyn Astrero