Solusyon para sa paniningil ng St. Bernadette Credit and Lending Corporation at hindi solusyon sa lumobong pagkakautang ng mga nagrereklamong Pampublikong guro ang tinutunton ng Mediation sa mga Division Offices at maging sa PRC o Professional Regulation Commission, ito ang mariing pahayag ni ACT-Nueva Ecija President Ronaldo Crisanto.
Ang mediation na ginagamit ayon sa batas, ay isang porma ng Alternative Dispute Resolution, isang paraan ng paglutas ng alitan sa pagitan ng dalawa o higit pang partido. Kadalasan na ang third party o ang mediator ang nag-aasiste sa magkabilang panig upang magkaayos sa isang kasunduan.
Giit ni Crisanto, base sa mga ibinigay na kondisyon sa mediation ay halos wala umanong pagpipilian ang mga guro dahil lahat ng mga kondisyong ito ay nakapanig para lamang sa kabutihan ng naturang pautangan.
Hinikayat din ni Crisanto ang mga pampublikong guro na huwag matakot at dapat na manindigan sa kanilang mga ipinaglalaban.
Samantala sa panig ng St. Bernadette Credit and Lending Corporation, itinanggi ng mga ito ang akusasyon sa di umano’y labis na pagpapataw ng interest sa utang ng mga pampublikong guro.
Nilinaw din nila na aabot lamang sa limampung pampublikong guro ang kanilang kinasuhan ng mga Administrative Cases, Criminal Case at Civil Cases dahil sa hindi pag-surrender ng mga ATM cards na nangangahulugan ng pagtanggi sa pagbabayad ng mga monetary obligations.
Nauna na ring nagpahayag ang St. Bernadette Credit and Lending Corporation na handa nilang harapin ang anumang kasong ihahain sa kanila ng mga naturang guro. –Ulat ni Jovelyn Astrero