Umabot sa isang libo at limang daang mag-aaral ang nagsipagtapos sa ika-anim na pu’t anim at anim na pu’t pitong batch ng Provincial Manpower Training Center (PMTC), na ginanap sa Convention Center, Palayan City.

   Ang PMTC ay isa sa mga programa ng Provincial Government, katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang makapagbigay ng libreng edukasyon sa mga kabataan na walang kakayahang makapagpatuloy ng apat na taong kurso sa kolehiyo at makapaglaan ng maikli ngunit may kalidad na kasanayan upang agaran silang makapasok ng trabaho.

   Ipinagmamalaki ni Chief Officer Raoul Esteban, na humigit kumulang sa pitum pung porsyento ng kanilang mga napagtapos ay mayroon na agad mapapasukang trabaho.

   Bagama’t hindi nakadalo si Gov. Cherry Umali, ay ipinaabot naman niya ang kaniyang pagbati sa mga nagsipagtapos sa pamamagitan ni Provincial Planning and Development Office Head Dennis Agtay.

   Ang mga nagsipagtapos ay nagmula sa limang sangay ng PMTC sa mga bayan at  lungsod ng Cabanatuan, Gapan, San Jose, Guimba at Bongabon na kumuha ng mga kursong may kinalaman sa Computer Programming, Hair Dressing, Massage Therapy, Welding, Electronics and Food Processing.

   Kagaya na lamang ni Julie Candelario, kwarenta’y uno anyos, sa kabila ng kaniyang edad ay hindi siya pinanghinaan ng loob na muling mag-aral upang makapag-apply sa ibang bansa bilang skilled worker.

   Mismong suwerte naman ang lumapit kay Von Czar Guerrero, isa sa itinanghal na Most Outstanding Student, dahil sertipikasyon lamang noon ang kaniyang habol kaya kumuha ng kursong hair dressing. Ngayon, ay papasok na siyang muli sa PMTC San Jose City Branch hindi bilang estudyante kundi bilang isang trainor.

   Kaya’t lubos-lubos ang kanilang naging pasasalamat sa mga bumubuo ng PMTC at Provincial Government na walang sawang nagbibigay ng oportunidad at kasanayan sa mga katulad nilang nagnanais na magkaroon ng magandang  kinabukasan.

   Para sa mga interesado, magtungo lamang sa Main Branch ng PMTC sa General Tinio St., Cabanatuan City o alin mang sangay nito. -Ulat ni Danira Gabriel