Dininig ng Committee on Public Utilities and Facilities ang hinaing ng mga mananakay sa mataas na singil sa pasahe sa tricycle sa lungsod ng Cabanatuan.
Ito ay dinaluhan ng mga miyembro ng toda, estudyante, senior citizens at marami pang iba.
Sa reklamo ng isang estudyante, sa tuwing sasakay siya ng tricycle ang sinisingil sa kaniya ay halos triple ang presyo kaysa sa regular na dapat niyang bayaran.
Sa ilalim ng panukalang pag-amyenda sa Section 1 ng Ordinance No. 2001-029 or “An ordinance regulating tricycle fare in the City of Cabanatuan.” Mahigpit ng ipatutupad ang pagpapaskil ng taripa sa mga tricycle upang malaman ng mga mananakay ang tamang pasahe na dapat nilang bayaran.
Kung saan, ang pasahe sa unang tatlong kilometro ay P15, may dagdag naman na P5 sa bawat susunod na kilometro.
Isa din sa idinaing, ang dagdag pang paniningil kapag gabi o umuulan na sumakay ng tricycle.
Base sa umiiral na Ordinansa, ang sinumang mahuhuling driver ay pagmumultahin ng P1,000 sa unang paglabag, P2,000 sa ikalawang paglabag at P3,000 at kanselasyon ng legalization sa pangatlong paglabag.
Habang iminungkahi ng ilang miyembro ng Komite, na ipaskil sa ilalim na bahagi ng taripa ang mga numerong dapat tawagan ng mga mananakay, kung sakaling makatagpo ng mga abusadong tricycle driver.
Tinalakay din sa Public Hearing, ang tamang bilang ng sakay sa loob ng sasakyan, paghuli sa mga maiingay na ugong ng tambutso ng mga motorsiklo at pagsasaayos ng Tricycle Code ng Cabanatuan.
Dumalo rin sa Public Hearing, si Vice Mayor Anthony Umali upang makinig sa panig ng bawat sektor na apektado ng panukala.
Sa tala, ay umaabot sa mahigit dalawampung libong tricycle ang umiikot sa buong lungsod. –Ulat ni Danira Gabriel