Pangarap ng Liga ng Cooperative Development Office ng Pilipinas-Nueva Ecija Chapter, Provincial Cooperative Development Council at ng Pamahalaang Panlalawigan na maging sentro ng Kooperatiba ang probinsya ng Nueva Ecija sa buong bansa.

   Ayon kay Dr. Honorato Panahon, Chairperson ng PCDC-Nueva Ecija na hindi masamang mangarap na maging Cooperative Capital ng Pilipinas ang Lalawigan dahil sa iba’t ibang produkto at dami ng bilang ng mga Kooperatiba sa probinsya.

Bumida ang iba’t ibang produkto ng mahigit sa dalawang daang Kooperatiba sa Lalawigan ng Nueva Ecija, sa Trade Fair.

Bumida ang iba’t ibang produkto ng mahigit sa dalawang daang Kooperatiba sa Lalawigan ng Nueva Ecija, sa Trade Fair.

   Umaabot na umano sa mahigit dalawamput limang libo ang kooperatiba sa buong bansa habang nasa labing apat na milyon ang miyembro nito.

   Ginanap kahapon ang selebrasyon ng Cooperative Month na may Temang Cooperatives: The Catalyst of Change through Poverty Eradication and Social Transformation kasabay ng Trade Fair ng mahigit sa dalawang daang Kooperatiba sa Lalawigan, kung saan bumida ang kanilang mga produkto tulad ng Pastillas at Choco Milk mula sa gatas ng Kalabaw, Longganisa, Tsinelas, Soybean Roast, at marami pang iba.

   Pinuri naman ni Under Secretary Orlando R. Ravanera, Chairman ng Cooperative Development Authority, ang iba’t ibang produkto at pagiging aktibo ng mga Kooperatiba sa Nueva Ecija.

   Ayon sa kanya, sa kasalukuyan ay mayroon ng dalawamput tatlong uri ng Kooperatiba sa bansa maliban pa sa pinaplanong pagbuo ng Kooperatiba para sa mga sumukong drug addict.

   Sinabi din nito na ang tunay na diwa ng kooperatiba ay ang pagbabago, pagmamahal at paglilingkod sa bayan at mamamayan.

   Samantala, kasabay ng naturang pagdiriwang ay nanumpa ng katapatan sa katungkulan ang mga Opisyal ng PCDC-Nueva Ecija at Liga ng Cooperative Development Office ng Pilipinas-Nueva Ecija Chapter sa harap ni Cabanatuan City Vice Mayor Doc. Anthony Umali bilang kinatawan ni Governor Czarina “Cherry” Umali.

Sina USec. Orlando R. Ravanera, Chairman ng Cooperative Development Authority (kaliwa) at Cabanatuan City Vice Mayor Doc. Anthony Umali (pangalawa sa kaliwa) sa kanilang pagdalo at pakikiisa sa selebrasyon ng Cooperative Month.

Sina USec. Orlando R. Ravanera, Chairman ng Cooperative Development Authority (kaliwa) at Cabanatuan City Vice Mayor Doc. Anthony Umali (pangalawa sa kaliwa) sa kanilang pagdalo at pakikiisa sa selebrasyon ng Cooperative Month.

   Sa mensahe ni Vice Mayor Umali ay inihayag nito ang patuloy na pagsuporta ng Pamahalaang Panlalawigan sa lahat ng mga kooperatiba sa probinsya, kung saan maglalaan ng karampatang pondo para sa mas ikauunlad ng bawat kooperatibang may magandang hangarin para sa bayan.

   Pinarangalan din ang ilang Kooperatiba dahil sa malaking ambag ng mga ito para sa bayan at komunidad na kinabibilangan, kasunod ang MOA Signing sa pagitan ng Provincial Government, CDA Regional, at mga bayan ng Bongabon, Carranglan, Llanera, San Jose City at Talavera. –Ulat ni Jovelyn Astrero