Mapangwasak umano sa kalikasan ang pagkakatatag ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority sa Casiguran, Aurora kaya naman patuloy itong tinututulan ng Civil Society Organizations.
Sa ginanap na pagbuo sa Sierra Madre Council sa Region 3, isiniwalat ng nagkakaisang grupo ng mga magsasaka, mangingisda, katutubo, at mga taong simbahan ang paninindigan kontra APECO.
Ito ay matapos na kwestiyunin ng panig ng mga taga-DENR mula sa lalawigan ng Aurora ang isang talata sa ilalim ng kanilang kasunduan kung saan tinukoy ang economic zone bilang programang mapangwasak sa kalikasan na dapat pigilan.

Isiniwalat ng mga katutubo sa ginanap na Sierra Madre Summit ang patuloy na pagtutol sa APECO.
Ayon kay CENRO Nick Claudio ng Casiguran, isa ang kanilang tanggapan sa tagapagpatupad ng APECO kaya malalagay sila sa alanganin kung pipirma sila sa kasunduan kung saan direkta itong tinutuligsa gayong wala pa naman aniya siyang nakikitang katunayan na nakasisira nga ito sa kalikasan.
Bagaman magkaiba ng prinsipyo ang mga nasa panig ng gobyerno at mga miyembro ng CSO patungkol sa economic zone, sa huli ay nagkasundo rin ang mga ito sa adhikaing pangalagaan ang natitirang likas na yaman ng bububundukin ng Sierra Madre. Tinanggal na lamang sa talata ang taguring “economic zone” at pinalitan ng “aggressive development projects”. -Ulat ni Clariza de Guzman