Nabuhayan ng pag-asa ang singkwentay uno anyos na si Nenita Alday na mahigit sampung taon ng walang trabaho nang mabalitaan nito ang Job Fair ng Sutherland Tarlac.

   Ayon dito, mahirap ng makahanap ng trabaho ang mga kagaya niyang may edad na, kaya laking tuwa nito nang malamang mula edad 18 hanggang edad 59 ang maaaring matanggap sa naturang Business Process Outsourcing Company.

   Isa din ang trentay kwatro anyos na si Julie Ann Dionisio sa mga aplikanteng nagbakasakaling matanggap bilang call center agent.

   Hiling nito na sana’y mabigyan ng pansin ang mga kagaya niyang nagkaka-edad na ngunit wala pa ring permanenteng trabaho dahil sa kontraktwalisasyon.

   Ang Sutherland Job Fair ay naisagawa sa pakikipagtulungan ng Provincial Public Employment Service Office, kung saan tatlumpong Novo Ecijano ang mapalad na natanggap o na-hire on the spot.

   Ayon kay Randy Cirujano, Sourcing Specialist ng Sutherland Tarlac, tinatarget nilang makapag-hire ng 1, 700 na empleyado para sa Customer Service at Technical Support bago matapos ang taon.

   Dagdag nito, wala silang diskriminasyon sa mga aplikante base sa edad o kapansanan basta pasado ang mga ito sa hinihinging kwalipikasyon ay maaari silang mabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho sa naturang Kompanya.

   Ang mga natanggap na aplikante ay pagkakalooban ng 2 months free accommodation at meal allowances at free shuttle na susundo sa kanila mula dito sa Nueva Ecija patungo sa Lungsod ng Tarlac. –Ulat ni Jovelyn Astrero

https://youtu.be/WH8tG6kgOrc