Sampu sa labing apat na Cabanatueño na nakapanayam ng Balitang Unang Sigaw News Team ang kontra na maging legal sa bansa ang Same Sex Marriage habang apat naman sa mga ito ang pabor.

Ayon sa aming mga nakapanayam na sina Erica Bato, Alyas Jay-ar, at Jerome Baldos, labag sa isinasaad sa Bibliya ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian dahil ang babae at lalaki ay nilalang ng Diyos para lamang sa isa’t isa.

Ganito rin ang opinyon nina Sonia Lacsamana, Ariel Dizon, at Miguel Catalan, na hindi nararapat mag-isang dibdib ang babae sa babae at lalaki sa lalaki dahil tanging sa babae lamang dapat ikasal ang lalaki.

Bagamat tutol ang ilan sa Same Sex Marriage ay nananatili pa rin umano ang respeto nila sa mga lesbian at gay sa bansa.

Para naman kina Christian Perez, Ricardo Domingo, at Marivic Marcelo na pabor sa same sex marriage, wala silang nakikitang masama kung pagbibigyan na maging legal ang pagsasama ng magkaparehong kasarian lalo pa kung sila’y tunay na nagmamahalan.

Samantala, sa kasalukuyan ay nagsasagawa ang Kongreso ng online survey kung saan maaaring bumoto ang taumbayan kung sila ay pabor o hindi pabor sa same sex marriage.

As of 12:30 am kanina, May 29, 2019 base sa website ng House of the Representative, sa total votes na 606, 744 animanpong porsyento ang bumoto ng “YES” o may katumbas na 364, 263 votes habang ang mga “NO” ay nasa apat napung porsyento na may katumbas na 240, 226 votes, nasa mahigit dalawang libo naman ang bumoto ng undecided.— Ulat ni Jovelyn Astrero