Sisimulan ng libutin ng SINAG-Travelers, Tourist and Leaders Association katuwang ang ATONE o Association of Tourism Officers of Nueva Ecija at NECVA o Nueva Ecija Convention and Visitors Association ang mga potensyal na tourist destination sa probinsya upang dumami ang mga turistang bumibisita sa Lalawigan.
Inihayag ni SINAG-TALA President Runeth Barawid sa ginanap na Nueva Ecija’s First Tourism Caravan sa SM Cabanatuan City, ang kanilang layunin na manguna ang Nueva Ecija bilang tourist destination sa bansa.
Kabilang sa mga proyektong bubuuin ng tatlong asosasyon ay ang Tour Packages kung saan itatampok ang mga makasaysayang lugar, Agricultural at Eco Tourism Park, pagdiriwang ng mga kapistahan, at iba’t ibang produkto ng probinsya, katulad ng palay, sibuyas, tilapia, at dairy products galing sa gatas ng kalabaw.
Bilang kinatawan ng Panauhing Pandangal na si Senator Cynthia Villar ay dumalo sa nasabing aktibidad ang Chief of Staff nito na si Laarni Cruz, kung saan sa pamamagitan nya ay ipinarating ng Senador ang kanyang mensahe sa pagsuporta sa Agri-tourism.
Dahil ganap na batas na ang Republic Act 10816 o Farm Tourism Development Act of 2016, dahil na rin sa pagsulong dito ng Senador, ay inaasahan na mas lalago ang agri-tourism sa bansa, partikular na sa Nueva Ecija na kilala bilang “Rice Granary of the Philippines” at Onion Capital of the Philippines”.
Dumalo din bilang kinatawan ni Governor Czarina “Cherry” Umali si Chief of Staff Ricky Velasco at Assistant Director Carol Uy ng Department of Tourism Region III, bilang kinatawan ni Regional Director Ronnie Tiotuico ng DOT Region III. -Ulat ni Jovelyn Astrero