Mahigit 200 drug personalities sa bayan ng Santa. Rosa ang kusang sumuko at nakiisa sa Mass Oath taking sa ilalim ng Oplan Tokhang ng Philippine National Police.
Pumalo sa 225 katao na gumagamit at nagtutulak ng droga ang kusang sumuko sa pulisya at nanumpa na tuluyan na nilang tatalikuran ang masamang bisyo.
Sa harap ni Mayor Marita Angeles, Vice Mayor Boyet Angeles, TESDA-Provincial Director Melanie Romero at PNP Chief Jeffrey Alivia ay sabay-sabay na nanumpa ang mga drug surenderees na makikiisa sa pamahalaan sa pagsugpo sa ilegal na droga.
Sa pahayag ni PS/Insp Jeffrey Alivia, nilinaw nito na 649 na ang bilang ng mga sumuko sa kanilang tanggapan na naka-record sa kanilang listahan. Ngunit, may mga trabaho umano ang mga ito kaya hindi nakadalo sa naganap na oath taking.
Dagdag pa ni Alivia, sa pakikipagtulungan ng mga kapitan ng barangay at Local Government Unit(LGU) ay inaasahan nila na sa loob ng anim na buwan ay tuluyan ng maidedeklara na drug free ang bayan ng Santa Rosa.
Ang Mass Oath taking ay resulta ng programang Oplan Tokhang ng Philippine National Police. Ang “Oplan Tokhang” ay mula sa salitang “Oplan Katok at Hangyo”, na ang ibig sabihin ay pagkatok ng pulisya sa mga tahanan ng mga pinaniniwalaang drug personalities sa bawat barangay at hangyo o pagkumbinsi sa mga ito na sumuko na at makiisa sa pinalawak na kampanya kontra ilegal na droga. -Ulat ni Danira Gabriel