Kauna-unahan umano ang barangay Barlis na pinamumunuan ni Kapitan Ramon “Suka” Garcia sa lungsod ng Cabanatuan na nagpatupad ng curfew para sa mga menor de edad.
Ayon kay Kapitan Garcia, mula pa noong taong 2014 ay naisipan na nila sa Sangguniang Barangay na gawin ito para sa kapakanan ng mga kabataan at magulang.

Bago pa man magpasa ng ordinansa tungkol sa curfew para sa mga menor de edad ang Sangguniang Panlungsod ng Cabanatuan noong July 2, 2016 ay halos dalawang taon na itong ipinatutupad sa brgy. Barlis sa pamumuno ni Kapitan Ramon “Suka” Garcia.
Sa bisa ng Barangay Ordinance Number 002 series of 2014 ng Barlis, simula alas dyes ng gabi hanggang alas kwatro ng madaling araw ay ipinagbabawal na sa mga kabataang may edad disisyete pababa ang lumabas ng bahay, tumambay, at magpalisaw-lisaw sa mga pampublikong lugar, at manatili sa mga computer shops.

Pinapipirma sa log book ang mga kabataang lumalabag sa curfew para mangakong gagampan sa community service na parusa sa unang paglabag sa ordinasa.
Kapag nahuli ng mga opisyal ng barangay o mga tanod ang isang dalagita o binatilyo ay dinadala ito sa barangay hall, ipapatawag ang mga magulang, papipirmahin sa isang kasunduan, at dadalo sa community service.
Pabor naman sa curfew ang ilang mga magulang na aming nakapanayam katulad ni Roselito Corpuz. Ang mga kabataan namang minsan ng nahuling lumabag sa curfew ay nangakong hindi na uulit. -Ulat ni Clariza de Guzman