Sabog ang ulo ng isang construction worker na isa umanong adik matapos puntiryahin sa ulo ng riding in tandem sa General Tinio St., barangay San Roque, Cabanatuan City.
Kinilala ang biktimang si Bernardino de Vera y Santiago alyas Nanding, 44-anyos, residente ng Ilang-Ilang St, ng nabanggit na lugar.

Habang bumibili sa tindahan si Bernardino de Vera sa brgy. San Roque, Cabanatuan City ay bigla na lamang pinagbabaril itong ppinuntirya sa ulo ng riding in tandem.
Base sa ulat, 6:00 ng gabi bumibili sa sari-sari store ang biktima nang paputukan ng sunud-sunod ng dalawang hindi nakilalang suspek sakay ng isang motorsiklo.
Mabilis na tumakas ang tandem makaraang maisagawa ang krimen.
Samantala, patay ang isang 40-anyos na lalaki habang sugatan naman ang driver ng motorsiklong kanilang sinasakyan matapos mabangga ng isang trailer truck sa kahabaan ng Vergara road sa barangay Sta. Arcadia, Cabanatuan City.
Kinilala ang mga biktimang sina Miguel Basa y Verde, residente ng barangay Imelda 2, Palayan City; at Rogelio dela Cruz y Cadiang, 40, driver ng kulay puti at itim na Rusi MP110 motorcycle, walang iprinisentang driver’s license, naninirahan sa Pinagbayanan, bayan ng Laur, at kapwa construction workers.

Nalaglag sa motorsiklo at nasagasaan ng isang trailer truck si Miguel Basa nang magkabanggaan ang dalawang sasakyan sa Vergara Road brgy. Sta. Arcadia, Cabanatuan City.
Habang ang driver naman ng kulay blue Isuzu Truck with trailer na nakarehistro kay Antonia Uy Ongto ng Cauayan, Isabela ay nakilalang si Celso Agron y Mabborang, 65-anyos, may asawa, at residente ng Alicia, Isabela.
Ayon sa imbestigasyon ng Cabanatuan Police Station, 6:00 ng umaga tumatakbo ang motor na minamaneho ni dela Cruz angkas si Basa papuntang Sta. Arcadia, samantalang bumibyahe naman ang truck sa direksyon ng Norte.
Pagdating sa intersection ay aksidenteng nabundol ng trailer truck ang kaliwang bahagi ng motorsiklo. Hindi rin sinasadyang nasagasaan at nakaladkad sa kalsada ang nahulog na si Basa.- ulat ni Clariza de Guzman.