Dengue, Leptospirosis at Diarrhea, ito ang tatlong nakamamatay na sakit na kada taon ay may naitatalang mataas na bilang ng kaso, na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng tamang pangangalaga sa sarili at kapaligiran.

     Nangunguna sa listahan ng mga pinangangambahang sakit tuwing sasapit ang tag-ulan ang Dengue, kung saan mula Enero hanggang Hunyo 18 ay nakapagtala na ang Provincial Health Office ng 750 kaso ng dengue sa buong Lalawigan, mas mataas kumpara noong nakaraang taon sa kaparehong buwan na mayroon lamang 430 na kaso.

      Nangunguna pa rin sa may pinakamataas na bilang ng kaso ng Dengue ang Lungsod ng Cabanatuan na may 165 kaso, kasunod ang Bayan ng Zaragoza na may 52 kaso, San Antonio 45, Talavera 41, Guimba 41 at Lungsod Agham ng Muñoz na may 38 cases.

     Ayon kay Doc. Benjie Lopez, Head ng Provincial Health Office, pangunahin pa ring paraan upang madepensahan ang mga sarili sa sakit na Dengue ay ang pagsira sa pinamumugaran ng mga lamok na nagdadala ng nasabing sakit.

     Hinihikayat ni Doc. Lopez ang mga Novo Ecijano na makipagtulungan sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa bawat pamayanan upang ang sakit na Dengue ay kanilang maiwasan.

Nagbigay ng babala ang Provincial Health Office sa mga Novo Ecijano na mag-ingat sa tatlong nakamamatay na sakit na maaaring makuha ngayong panahon ng tag-ulan.

Nagbigay ng babala ang Provincial Health Office sa mga Novo Ecijano na mag-ingat sa tatlong nakamamatay na sakit na maaaring makuha ngayong panahon ng tag-ulan.

     Isa din sa binabantayan ng PHO tuwing sasapit ang tag-ulan ay ang kaso ng Leptospirosis, kung saan mula Enero hanggang Hunyo 18 ay nakapagtala sila ng 34 kaso, mas mataas din kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon na mayroon lamang 15 kaso.

     Laging paalala ng PHO, maghugas ng mabuti ng mga paa kapag lumulusong sa tubig o mas mainam kung iiwasan ang paglusong sa tubig baha upang makaiwas sa Leptospirosis.

     Dapat ding siguraduhin ang kalinisan ng tubig na iniinom tuwing sasapit ang tag-ulan, dahil maaari itong maging sanhi ng diarrhea.

     Payo ni Doc. Lopez, maging maingat at panatilihing malinis ang imbakan ng tubig, bago gamitin ang tubig ay marapat muna itong pakuluan ng isa hanggang dalawang minuto, at maging maingat sa paghahanda ng pagkain para sa pamilya.

     Ayon din kay Doc. Lopez, ang diarrhea ay isa sa top 5 leading causes ng konsultasyon at kabilang din sa top 10 leading causes of admission sanhi ng dehydration o kakulangan sa tubig ng katawan.

    Narito ang mga sintomas upang malaman kung ang pasyente ay dehydrated, una ay ang pangangalumata o pagkamatamlay ng mga mata, pangalawa pagluwag ng balat, at pangatlo ay ang pagpapawis at panlalamig ng katawan.

     Uminom ng dalawang litro o higit pa ng tubig bawat araw upang mapanatili ang kalusugan ng pangangatawan.

     Sa huli, mas mabisa pa rin ang kumonsulta sa Doktor upang mas mapangalagaan ang sarili laban sa anumang mga sakit na dulot ng mga dumi at baktirya sa kapaligiran.