Mahigit sa 300 kawani ng Munisipyo ng Gen. Tinio ang sabay-sabay na nag-duck, cover and hold sa isinagawang Ikatlong Nationwide Simultaneous Earthquake Drill ngayong taon.

   Ipinakita sa Earthquake Drill ang iba’t-ibang sitwasyon na kakaharapin oras na tumama ang malakas na lindol sa bansa. May mga gumanap na nasugatan, napilayan at nabagsakan nang mabigat na bagay.  Agad naman rumesponde ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMc) katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) ng Gen. Tinio sa mga biktima na tumagal ng mahigit tatlumpong minuto, mula sa paglabas ng mga lumahok hanggang sa pagrescue sa mga biktima.

   Ayon kay Bencelito Parumog ng PDRRMC, napili nila ang Gen. Tinio na pagdausan ng naturang drill dahil nakalinya ang bayan sa mga tatamaan ng fault line o tinatawag na “Digdig Fault” na bumabagtas sa mga bayan ng Laur, Bongabon, San Jose City, Pantabangan at Carranglan.

   Narito ang ilang mga mahalagang tandaan kapag lumindol.

  1. Maging mahinahon, gawin ang duck, cover and hold technique
  2. Kung walang lamesa, pumunta sa matibay na bahagi ng bahay, lumuhod o mag squat, takpan ang ulo at batok ng iyong kamay
  3. Umiwas sa mga bagay na madaling mabasag, mabibigat at maaring bumagsak.
  4. Kapag nasa labas- lumayo sa mga poste, puno, gusali, pader at iba pang maaring matumba o bumagsak. Mainam na pumunta sa open space.
  5. Kapag nagmamaneho itabi at ihinto ang sasakyan
  6. Huwag tumawid ng tulay, overpass at flyover.
  7. Kung malapit sa dagat, mabilis na lumikas palayo dito at tumungo sa mataas na lugar dahil sa panganib ng tsunami.
  8. At alamin ang mga evacuation centers sa inyong lugar.

   Dagdag pa ni Parumog, kailangan aniya seryosohin ng publiko ang Earthquake Drill dahil hindi biro ang idudulot na  epekto nito kapag dumating na ang totoong sakuna.

   Bukod sa Earthquake Drill ay nagkaroon din ng Fire Drill na isinagawa ng Bureau of Fire Protection (BFP) Gen. Tinio.

   Magugunita na ibinabala ng PHIVOCS na hinog na ang West Valley Fault na hudyat na anumang oras at panahon ay maaaring maganap sa Pilipinas ang malakas na lindol. -Ulat ni Danira Gabriel