Sa loob nang labing limang taong pagtatanim ng sibuyas ni Lamberto, ngayon lang siya nakaranas ng ganitong klaseng pagkalugi na wala talagang natira sa kanyang 1.5 ektaryang pananim na sibuyas dahil sa pamaminsala ng pesteng army worms o tinatawag ding harabas.

Isa lamang si Lamberto sa mahigit 600 magsisibuyas na labis na naapektuhan ng pagsalakay ng pesteng army worms sa bayan ng Sto Domingo, Nueva Ecija.

Sa datos ng Municipal Agriculture Office, 474 ektarya ang kabuuang bilang ng mga tinamnan ng sibuyas at 427 ektarya o katumbas ng 90% ang sinira at hindi na mapapakinabangan dahil sa pagsalakay ng harabas.

Ayon kay Municipal Agriculturist Emelita Flores, climate change ang itinuturong dahilan ng pagsulpot ng mga pesteng uod.

Ang naturang bayan ang pinakasinalanta ng harabas, kaya’t isinailalim ito sa state of calamity. Kung saan halos Isang Milyong Piso ang nakuhang ayuda ng pamahalaan upang ipambili ng mga buto ng gulay at mais na ipapamahagi sa mga magsasaka sa susunod na taniman.

Bukod dito, nakatanggap din ang bayan ng tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng pagpapahiram sa kanila ng mga traktora na libreng ipinagamit sa mga magsasaka.

Kabilang din sa mga apektadong lugar ang mga Bayan ng Bongabon, Laur, Quezon, Talavera, Cuyapo, Aliaga at ang mga Lungsod ng Palayan at Muñoz. -Ulat ni Danira Gabriel