Naglunsad ng free diabetes screening ang American Association of Clinical Endocrinologist-Philippine Chapter sa Main Atrium ng N.E Pacific Mall, Cabanatuan City katuwang ang Philippine Basketball Association, GMA 7, Grand Court of the Amaranth, Nueva Ecija Medical Society, CIC Batch ’84 at Community Social Project.

Ayon kay Dr. George Tan pang ikalabing-walong taon nang ipinagdiriwang ngayong taon ng Philippine Center for Diabetes Education Foundation ang National Diabetes Week na ginaganap tuwing buwan ng Hulyo.

Bukod sa diabetes screening, nagbigay din ng libreng bakuna, osteoporosis screening at iba pa ang American Association of Clinical Endocrinologist-Philippine Chapter.

Ang diabetes ay isang pang-habangbuhay na sakit na nagiging dahilan ng maraming komplikasyon sa internal organs. Pwede itong mamana o makuha  sanhi ng sobrang katakawan, katabaan at katamaran. Ngunit posible itong maiwasan sa pamamagitan ng pagpili ng wastong pagkain at tamang ehersisyo.

Payo ni Dr. Tan magpakonsulta sa doctor upang alamin ang kalusugan, lalo na ang mga nasa edad kwarenta pataas.

Ang normal sugar level ay nasa 70-110 milligrams per Deciliter habang 140 mg/dL naman pagkatapos kumain. Dapat namang mamintina ang cholesterol level na 150 mg/dL at blood pressure na 130 over 80.- ulat ni Clariza de Guzman