Hinikayat ni Department of Education Secretary Armin Luistro ang mga Pampublikong Eskwelahan na patuloy na palawakin at pagyamanin ang proyektong “Gulayan sa Paaralan” sa lalawigan, sa pagbisita nito sa bayan ng San Antonio, Nueva Ecija.

DEPED Sec. Bro. Armin Luistro at Gov. Aurelio Umali, habang tinatanggap ang mga munting regalo mula sa Ako ang Saklay Inc.

DEPED Sec. Bro. Armin Luistro at Gov. Aurelio Umali, habang tinatanggap ang mga munting regalo mula sa Ako ang Saklay Inc.

     Ayon kay Luistro, mabisa itong paraan upang turuan ang mga bata na kumain ng gulay upang malutas ang malnutrisyon at paunlarin ang produksiyon at pagkonsumo nito sa mga mag-aaral na Pilipino.

Anya, ang bansang Pilipinas ang naitalang pinakamababa sa pagkain ng gulay sa  buong Asya.

Labis na sinuportahan ng Provincial Government sa pangunguna ni Gov. Aurelio Umali at Congw. Cherry Umali ang programa. Bitbit ang mga tulong ay nagpamahagi sila ng apat na pung piraso ng poso at tinambalan din ito ng mga kagamitan sa pagtatanim katulad ng asarol, piruya at pala na iniabot sa mga eskwelahan ng bayan ng San Antonio.

Para kay Gov. Umali, nasira man ang mga pananim sa naturang bayan dahil sa mga nagdaang malalakas na bagyo ay hindi pa rin nito kayang tibagin ang lahing Novo Ecijano.

Katuwang ang Bureau of Plant Industry o BPI ay nagbigay din sila ng libo-libong klase ng mga buto ng gulay at prutas.

Maging ang Ako ang Saklay Inc, na isang pribadong organisasyon ay sumusuporta din sa adhikain ng kagawaran ng edukasyon sa pagtatanim at pangangalaga ng kalikasan.

Kaya naman, lubos-lubos ang pasasalamat ng mga principal sa gobyerno at organisasyon na naghatid ng tulong sa kanilang mga paaralan.

Kaugnay nito, hihimukin din ang mga magulang ng mga bata na magtanim ng gulay sa kanilang mga bakuran para sa kanilang pang-araw-araw na pagkain. -Ulat ni Danira Gabriel