Ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamumuno ni Gov. Aurelio Umali ang pamamahagi ng mga fertilizer sa lahat ng mga magsasaka sa bayan ng Bongabon at Laur.

     Ang mga pananim sa dalawang bayan ay labis na napinsala ng mga nagdaang malalakas na Bagyong Lando, Nona at Onyok. Bunsod nito, ay hirap ngayon na makapagsimula ang mga magsasaka dahil sa pagkasira at pagkalugi ng nakaraang taniman.

     Ang programa ay isang paraan ng Provincial Government upang tulungan na makabangon ang mga magsasaka sa lalawigan.

     Ayon kay Provincial Agriculturist Serapin Santos, wala silang pinili sa pamamahagi ng mga fertilizer.

     Mahigit 500 sako ng onion fertilizer ang iniabot sa mga magsisibuyas at kulang 200 rice fertilizer naman sa mga magpapalay sa bongabon.

     Malaking dagok para sa naturang bayan ang pagkasira ng kanilang mga pananim na sibuyas. Lalo na ang naturang bayan ang itinuturing na “Onion capital ng pilipinas.”

     Sa pahayag ni Gov. Umali, ipinagmalaki niya na ang cold storage na ipinagawa ng probinsiya ang natatanging cold storage na hindi tumatanggap ng imported na sibuyas.

     Samantala sa bayan ng Laur, mahigit 900 rice fertilizer at 41 onion fertilizer ang ipinamigay sa mga magsasaka.

     Para sa katulad ni Mang Enrico at Mang Dante, malaking tulong ito sa kagaya nilang hirap ngayon sa pagpapatanim ng palay dahil sa kawalan ng puhunan.

     Mahigit 1,000 ding magsasaka ng bayan ng Gabaldon ang nakatanggap ng parehong uri ng mga fertilizer.

Ang ayuda ay isa lamang sa mga programa ng Provincial Government sa pag-agapay sa sektor ng agrikultura sa lalawigan. -Ulat ni Danira Gabriel