
Kalahati sa 2 ektaryang sakahan ni Mang Ramon sa Cabanasan ay na-wash out ng bagyong Lando at Nona.
Umaapela sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang mahigit kumulang isandaang magsasaka at manggagawang bukid ng Cabanasan sa bayan ng Gabaldon na mabigyan ng tax amnesty.
Ayon kay Ramon Cabawatan, Secretary ng Cabanasan Farmer’s Inc., alam nila ang kanilang responisbilidad sa pagbabayad ng amilyar ngunit humihiling sila ng konsiderasyon sa lokal na pamahalaan dahil wala silang kinita dulot ng mga nagdaang kalamidad.
Matatandaan na isa ang Gabaldon sa mga matitinding hinagupit ng magkakasunod na bagyong Kabayan, Lando, at Nona noong nakaraang taon.
Sa report ng Municipal Agriculture, 1, 382.70 hectares ng palayan nanagkakahalaga ng mahigit Php 69M at 254.475 ektarya ng gulayan o mahigit 9.7M ang nasirang pananim ni Lando sa nasabing bayan.
Natabunan ng banlik, bato, at mga nabunot na puno dulot ng gumuhong kabundukan at pagbaha ang mga kalsada, dike, at lupain sa Gabaldon. Kaya pansamantalang naging kabuhayan ng mamamayan ang pag-uuling.

Itinuturo ni Mang Ramon ang nawasak na dike ng irigasyon na pinagkukunan ng patubig ng mga pananim sa Cabanasan.
Hinihiling din ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng Cabanasan na ipaayos ang nawasak na dike at baku-bakong farm to market road.
Base naman sa assessment ng Office of the Provincial Agriculture, umabot sa 430.40 hectares ng bukirin ang napinsala ni Lando at Nona na sinasaka ng 611 farmers mula sa mga barangay ng Bantug, Cuyapa, Ligaya, North Poblacion, at Pantoc na nangangailangan ng rehabilitasyon.
Samantala, kasalukuyang nagsasagawa ng clearing operations ang Provincial Engineering Office sa Ligaya at North Poblacion.- ulat ni Clariza de Guzman