Personal na ininspeksiyon ni Gov. Aurelio Umali ang mga pangunahing lugar na sinalanta ng Bagyong Lando sa lalawigan noong araw ng miyerkules, October 21.
Unang binisita ng Gobernador ang Barangay ng San Vicente, sa bayan ng Laur. Kasama ang news team ng TV48 at iba pang media.
Hindi ininda ng Punong Lalawigan ang pagsuong sa baha, mabato at madulas na daan upang makita ang tunay na kalagayan ng mga residente doon.
Sa bungad pa lamang, ay tumambad na sa amin ang putik, mga tinangay na puno at malakas na agos ng tubig ng baha mula sa kabundukan ng Sierra Madre, na naging sanhi ng pagkawasak ng kalsada, bahayan at pananim ng barangay.
Nang makarating na ang buong grupo sa paanan ng bundok, bumangad na sa amin ang nakakapanlunos na sinapit ng kanilang taniman. Ang dating kulay berdeng palayan ay mistulan ng isang malawak na ilog ngayon.

BAHAGI NG NASIRANG TULAY NG BUGNAN-BAGONG SIKAT BRIDGE
Samantala, kasama si Mayor Rolando Bue, sumunod na nilibot ni Governor Umali, ang naputol na tulay na nagdudugtong sa Barangay Bagong Sikat at Barangay Bugnan, sa bayan ng Gabaldon.
Taong 2014, nang ipinagawa ng Provincial Government ang 300 metro kalsada.
Ngunit matapos humagupit ang Bagyong Lando, kasama na rin tinangay nito ang 100 metro o halos kalahating bahagi ng tulay.
Sa huling tala ng PDRRMO o Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, humigit kumulang sa P76 milllion ang pinsala sa mga pananim partikular na ang mga gulay at high value crops, nanatiling mataas pa rin ang halaga ng nasira sa palayan na umaabot sa P3.3 billlion at aabot naman sa P65 million ang pinsala sa imprastraktura.
Sa ngayon, prayoridad ng Punong Lalawigan kasama ang Local Government Units at Barangay Officials ang pagbibigay ng relief sa bawat barangay na nasalanta ng bagyo.-Ulat ni Danira Gabriel