Hindi na mahihirapan ang mga magsasaka at mamamayan ng bayan ng Zaragoza sa pagtawid sa dalawang delikadong tulay na kahoy na matatagpuan sa Brgy. Sta. Lucia Young.
Ito ay dahil sa wakas ay gagawin na itong konkreto ng Lokal na Pamahalaan Ng Zaragoza sa tulong ng Municipal Planning and Development Council (MPDC) at Department of Interior and Local Government (DILG).

GAGAWIN NANG KONKRETO NG LOKAL NA PAMAHALAAN NG ZARAGOZA ANG DALAWANG TULAY NA KAHOY NA ITO SA BRGY.STA LUCIA (Y) SA TULONG NG MPDC AT DILG.
Tinatayang aabot sa P1.5 million ang gagamiting pondo sa naturang proyekto, na magmumula sa 12.5 million pesos na pondo ng bayan ng Zaragoza mula sa Bottom-Up Budgeting o BUB ng DILG.
Ayon kay Engineer Josefino Reyes, Municipal Planning and Development Coordinator, malaking tulong ang dalawang tulay na ito lalung lalo na sa mga magsasaka.
Unang ginagawa ang tulay na may habang sampung metro at lapad na tatlong metro na nag-uugnay sa Barangay Sta. Lucia Young, Sitio Pugo at San Francisco. Habang ang ikalawang tulay naman na may habang 8 meters at lapad na 3 meters, ay mag-uugnay sa Barangay Sta. Lucia Young at Barangay San Isidro.
Samantala, nagkaroon umano ng kaunting pagkaantala ang paggawa sa tulay nitong mga nakaraang linggo dahil sa biglaan at di inaasahang pagtaas ng tubig. Ngunit agad din naman umano itong nasolusyonan ng MPDC.
Labis naman ang kasiyahan at pasasalamat ng mga magsasaka at residente ng mga kalapit na barangay na makikinabang sa mga ginagawang konkretong tulay.
Samantala, inaasahang matatapos ang mga nasabing tulay bago pa man matapos ang taon.-ULAT NI JANINE REYES.