Tuwing panahon ng taniman, umuupa ng traktora si Mang Joselino upang muli ng masimulan ang pagpupunla ng mga butil ng palay sa kanyang bukid.
Sa upa pa lamang ng makina, aabot na sa P3,000-P4,000 ang kanyang nagagastos.
Pero, ngayon dahil sa programang ipinagkaloob ng Provincial Government sa pangunguna ni Gov. Aurelio Umali na libreng pagpapahiram ng mga makina sa mga magsasaka ay malaki na ang matitipid ni Mang Joselino.

Kapitan Manuelito Cariaga ng Barangay Bagong Sikat
Isa lamang si Mang Joselino sa anim na pung magsasaka na natulungan ngayong panahon ng taniman ng Provincial Government sa bayan ng Cabiao.
Sa 13 traktorang ipinahiram sa kanila, mahigit kumulang 150 ektarya ang napasadahan ng programa.
Sa kwento ni Kapitan Manuelito Cariaga ng Barangay Bagong Sikat, mahirap umano ang buhay ng mga magsasaka sa kanilang lugar. Kadalasan kasi, sa utang lamang napupunta ang kakarampot na kita ng mga manggagawang bukid.
Dagdag pa niya, hirap ang kanilang Barangay sa suplay ng tubig, dahil nasa dulo nang probinsiya ang kanilang barangay. Kaya malimit, hindi na nila kayang magtanim ng palay sa panahon ng dayatan.
Ngunit, dahil sa tulong ng kapitolyo nakakapagtanim na sila ngayon ng dalawang beses sa isang taon.-Ulat ni Danira Gabriel