
Tinangay ng mga magnanakaw mula sa tahanan ni Lucila Hernandez ang mahigit Php 400,00.00 na halaga ng mga alahas at kagamitan.
Gapan- Nilooban ng mga hindi nakilalang kawatan ang bahay ng isang negosyante sa barangay Sta. Cruz, Gapan City.
Kinilala ang biktimang si Lucila Hernandez y dela Cruz, 62-anyos, dalaga.
Base sa report ng Gapan Police Station, bandang 7:50 ng gabi, nadiskubre na lamang ng biktima na pinasok ang kanyang tahanan.
Tinatayang umabot sa mahigit kumulang Php 436,000.00 ang kabuuang halaga ng mga natangay na alahas at kagamitan ng mga magnanakaw na kinabibilangan ng tatlong video camera na nagkakahalaga ng Php 150,000.00, isang piraso ng gold necklace with pendant, worth Php 100, 000.00, walong piraso ng kwintas na may pendant- Php 146,000.00, isang Swatch na halagang Php 15,000.00, isang Jade pendant, worth Php 10, 000.00, at isang Digital Camera na nagkakahalaga ng Php 15, 000.00.

Papauwi na ng bahay si kapitan Gabriel Roxas ng barangay Cuyapa, Gabldon sakay ng kanyang motorsiklonang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek.
Gabaldon- Dead on arrival sa ospital ang isang Barangay Captain ng bayan ng Gabaldon matapos itumba ng hindi nakilalang gun man.
Kinilala ang biktima na si Gabriel Roxas y Tiquis, 60-anyos, may asawa, kapitan ng barangay Cuyapa.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong 8:30 ng gabi, papauwi na ang biktima sa kanyang bahay sakay ng minamanehong motorsiklo nang pagbabarilin ng suspek na lulan din ng isang motor.Mabilis na tumakas ang suspek makaraang maisagawa ang krimen.

Dead on the spot si dating Konsehal Daniel Lonzanida ng bayan ng Quezon matapos ratratin ng riding in tandem.
Quezon- Patay ang isang dating konsehal ng bayan ng Quezon matapos ratratin ng riding in tandem sa kahabaan ng Provincial road sa Purok dos ng barangay Bertese.
Kinilala ang biktimang si Daniel Lonzanida y Cudal, 46-anyos, may asawa, Municipal Councilor ng Quezon noong taong 2010 hanggang 2013.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon Police, 6:30 ng gabi, naglalakad sa shoulder ng nasabing kalsada ang biktima nang lapitan ng dalawang lalaki na mga nakasuot ng itim na jacket at magkaangkas sa isang kulay black na Suzuki Smash motorcycle.
Habang kausap ng dalawa ang biktima ay bigla na lamang sumulpot ang dalawa pang lalaki na kapwa nakasuot din ng itim na jacket lulan ng isang black Honda wave na motorsiklo.
Pinagbabaril ng anim na beses ng nakaangkas na suspek ang dating konsehal at tsaka mabilis na tumalilis.
Narekober ng SOCO sa crime scene ang limang basyo ng kaha at isang bala ng kalibre .45 baril, at isang piraso ng metal galing sa motor.
Natagpuan naman ng mga otoridad sa isinagawang follow-up operation ang inabandonang Suzuki Smash motorcycle na may plate number na 1229 QG, walong daang metro ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen.- Ulat ni Clariza de Guzman.