Umabot na sa 713 ng kaso ng animal bite ang naitala ng Provincial Health Office ng Nueva Ecija sa loob lamang ng isang buwan, habang tatlo ang naitalang namatay dahil sa rabies nito lamang buwan ng Enero, kung saan dalawa sa kanila ay mula sa Bayan ng Lupao at isa naman sa Bayan ng Guimba.
Hindi bababa sa 20 kaso ng animal bite ang Top 10 sa listahan ng Nueva Ecija PHO sa buwan lamang ng Enero, ang Lungsod ng Munoz ay mayroon ng 91 kaso, Lungsod ng Cabanatuan 80 na kaso, Bayan ng Talavera 48 na kaso, Cabiao 42 na kaso, San Antonio 39 na kaso, Gen. Natividad 35 na kaso, ang Bayan ng Guimba, Aliaga at Bongabon ay pare-pareho namang may 31 na kaso, Sto. Domingo 30 na kaso, Sta. Rosa 29 na kaso at Gen. Tinio at Rizal ay may 27 na kaso.
Ayon sa data ng Provincial Health Office, nanguna ang Lalawigan ng Nueva Ecija noong nakaraang taon sa may pinakamaraming kaso ng animal bite sa buong region 3, kung saan nakapagtala sila ng 7, 810 cases at 17 fatalities.
Ayon kay PHO Rabies Coordinator Ma. Teresa Mendoza, karaniwan sa mga biktima ng rabies ay nagpatawak lamang at hindi kumunsulta sa health centers, kaya mariin nitong sinabi na hindi natatanggal sa pagpapatawak ang rabies na nagmula sa kagat ng hayop kaya mas mabuting kumunsulta pa rin sa mga health centers.
Dagdag pa niya naaalarma ang probinsya dahil sa mga fatalities na naitala noong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan, kaya patuloy naman aniya sila sa pagsasagawa ng mga Barangay Assembly upag makapagbigay ng awareness sa mga Novo Ecijano ukol sa responsible ownership o tamang pag-aalaga ng mga hayop at iba pang impormasyon ukol sa rabies.
Para naman sa kaalaman ng mas nakararami ay nagbigay si Rabies Coordinator Mendoza ng mga dapat na gawin kapag nakagat ng aso, una ay hugasan ang sugat ng sabong panlaba at itapat sa running water o umaagos na malinis na tubig ng lima hanggang sampung minute at magtungo sa pinakamalapit na health center upang magpabakuna ng anti-rabies.
Samantala, pursigido ngayon ang Municipal Health Office ng Guimba na maipatayo ang Animal Bite Treatment Center dahil sa dumadaming bilang ng mga kaso ng nakakagat ng mga hayop na pinagmumulan ng nakamamatay na rabies.
Ayon kay Municipal Health Officer I, Dr. Manuel Galapon III ay malaking bagay ang pagkakaroon ng Treatment Center sa Bayan ng Guimba, na magbibigay serbisyo din sa walo pang Bayan sa unang distrito ng Lalawigan ng Nueva Ecija, na handang magbigay ng mas mababang halaga ng serbisyo para sa mga nabibiktima ng kagat ng hayop na may rabies.- Ulat ni Shane Tolentino