Humigit kumulang P21 milyong halaga ng Farm Machineries ang ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan sa mga magsasaka ng apat na distrito ng probinsiya na ginanap sa Nueva Ecija Farmers Trading Center Caalibangbangan, Cabanatuan City.
Kabilang sa mga ipinamigay ay 85 units na hand tractors at 24 units na transplanters.
Isa ang kooperatibang Ubbog Ti Biag na mula sa bayan ng Guimba sa maswerteng nabahagian ng hand tractor.
Ayon kay Roberto Pilipi, Presidente ng Ubbog Ti Biag, malaking tulong ang makinarya upang madagdagan ang pondo ng kanilang kooperatiba at makinabang ang mahigit isang libong miyembro ng kanilang samahan.
Pasasalamat din ang ipinaabot ng Minuli Indegenous Farmers Association ng Carranglan sa natanggap nilang bagong hand tractor.
Layunin ng nasabing ayuda na dagdagan ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na mapalago at maparami ang kanilang aanihing palay.
Paalala ni Fernando Guinto, Agricultural Program Coordinator ng Nueva Ecija sa Region 3, na ang mga makinarya ay para sa kapakinabangan ng buong grupo at hindi ng iisang magsasaka lamang.
Aniya, walang hinihinging kapalit ang pamahalaan kundi ang ingatan at gamitin nang maayos ang mga ito.
Ito ay ika-apat na batch sa napamahagian ng mga gamit-pansaka, sa ilalim ng Rice Mechanization Program.
Ang sektor ng agrikultura ang isa sa binibigyan ng prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Cherry Umali upang mapangalagaan ang pangunahing ikinabubuhay ng mga mamamayan ng Nueva Ecija. –Ulat ni Danira Gabriel