MRI SA OSPITAL NG SAN JOSE CITY, MAS MURA, PWEDE RING LIBRE!

Malapit nang magamit ng mga Novo Ecijano ang Magnetic Resonance Imaging o MRI sa San Jose General Hospital na binili ng Provincial Government of Nueva Ecija.

Ayon sa hepe ng ospital na si Dr. Joseph L. Navallo, hinihinitay na lamang nila ang pag-apruba ng Food and Drug Administration o FDA at lisensiya na manggagaling sa Department of Health para tuluyan nang makapag-operate ang MRI hanggang sa buwan ng Mayo.

Pinili ni Governor Aurelio “Oyie” Umali na mailagay ang nasabing kagamitan sa San Jose General Hospital para magkaroon nito ang nothern part ng lalawigan partikular na sa ikalawang distrito na kinabibilangan ng San Jose City, Science City of Muñoz, Lupao, Pantabangan, Rizal, Llanera, Carranglan at Talugtug. Sa pamamagitan nito ay hindi na pupunta ang mga naninirahan sa mga nabanggit na lugar sa lungsod ng Cabanatuan. Pati ang mga karatig lalawigan ay maaari ring pumunta sa ospital upang makapagpa-eksamin.

Para kay Navallo, bilang doctor ay mahalaga ang pagkakaroon ng mahusay na kagamitan tulad nito upang epektibong magamot at matugunan ang mga pangangailangang medikal ng mga pasyente. Aniya, ang MRI ay kadalasang ginagamit upang matukoy ang ilang sakit gaya ng cancer at iba pang kondisyon ng katawan tulad ng mga tumor, pagbabara sa mga daluyan at iba pa.

Ang halaga ng MRI sa ospital ng San Jose ay ipagkakaloob ng kapitolyo ng mas mura kumpara sa presyong ibinibigay ng mga pribadong pagamutan. Sinabi ni Navallo, karamihan sa kanilang procedure ay umaaabot lamang sa P6,000 hanggang P10,000 ang bayad na inaprubahan na kamakailan ng Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Governor Anthony Umali. Ang nasabing presyo ay nakadepende pa rin sa request ng doktor na ipapagawa sa pasyente.

Kung sakaling walang kakayahang magbayad ang isang pasyente ay maaari namang i-evaluate ng Social Worker at ilapit sa Malasakit Program sa ELJ Hospital sa Cabanatuan City para makuha ng libre ang nasabing procedure.

Lubos naman na nagpasalamat si Navallo kina Gov. Oyie at Vice Gov. Anthony sa suporta na kanilang natatanggap sa ospital upang mas maasikaso at matulungan pa nila ang mga mahihirap na may matinding karamdaman.