Bidang-bida ang mga katutubong Dumagat at Igorot sa pagdiriwang ng ika-17 taon ng IPRA o Indigenous Peoples Rights Act o RA 8371 na ginanap sa bayan ng Gabaldon.

Layunin ng selebrasyon na maipakita ang pantay na pagtrato at pagtingin sa mga katutubo at maipamalas ang mayamang kultura ng mga ito.

Ito ang kauna-unahang taon na ipinagdiwang ang nasabing batas para sa mga katutubo sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Dito sa bayan ng Gabaldon unang nagkaroon ng isang representative o kinatawan ang mga katutubo sa Sangguniang Bayan sa ilalim ng Joint Memorandum Circular ng DILG o Deparment of the Interrior and Local Government.

Nakasaad dito na kinakailangang magkaroon ng kinatawan ang mga katutubo sa alin mang lokal na Sanggunian gaya ng Sangguniang Barangay, Panlungsod o Bayan maging sa Sangguniang Panlalawigan na siyang magsisilbing boses ng mga ito sa pamahalaan.

Sa bayan ng Gabaldon, mahigit 2,000 botanteng katutubo ang nakarehistro kabilang na ang mga Dumagat at Igorot.

Siya si Konsehal Robert Nakar mula sa tribong Dumagat, ang kauna-unahang katutubong Dumagat na nahalal bilang Konsehal sa bayan ng Gabaldon.

Samantala, katuwang ang ALS o Alternative Learning System, Department of Education at pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna nina Gov. Oyie Umali at 3rd District Congw. Cherry Umali sa pagbibigay ng tulong sa mga katutubo partikular ang edukasyon na siya nilang magiging tulay sa pag-abot sa kanilang mga pinapangarap.

Isa si Rodora sa mga mapalad na nabigyan ng tulong ni Congw. Cherry sa pamamagitan ng Scholarship Program nito na nasa ikatlong taon na sa kolehiyo at kumukuha ng Bachelor of Education at dahil dito lubos-lubos ang pasasalamat niya sa kongresista. —Ulat Ni MARY JOY PEREZ.