HALOS P4-B, PINSALA NI KARDING SA AGRIKULTURA NG NUEVA ECIJA; STATE OF CALAMITY, IDINEKLARA

Umabot ng halos 4 na bilyong piso ang naging pinsala sa agrikultura sa lalawigan ng Nueva Ecija dahil sa hagupit ng bagyong Karding na naglandfall nitong Linggo September 25.

Dahil dito ay agad na nagpatawag ng Special Session si Vice Governor Doc. Anthony Umali na dinaluhan ng mga myembro ng Sanggunian at mga Department Heads ng iba’t ibang sangay ng Provincial Risk Reduction Management Council noong araw ng Lunes na ginanap sa Microtel, Cabanatuan City upang mai- assess ang mga pinsala ng bagyo sa buong lalawigan.

Ayon sa initial na datos na ipinresenta ni Office of the Provincial Agriculturist Bernardo Valdez sa Sangguniang Panlalawigan, nasa mahigit 3.8 Billion na ang damages na kanilang naitala sa mga pananim na palay, gulay, mais at sibuyas sa lalawigan ng dahil sa pananalasa ng bagyo.

Bagaman hindi pa natatapos ang assessment ng DepEd sa pinsala sa mga building at kagamitan sa mga paaralan sa loob ng lalawigan ay makikita naman sa mga larawan na kanilang ipinadala sa Provincial Risk Reduction Management Office ma may mga paaralan na nasira ang gymnasium, natuklap ang mga bubungan, nabagsakan ng mga puno at tuluyang nasirang mga silid aralan dulot ng bagyo.

Dahil sa kawalan ng kuryente at signal ay kasalukuyan pa rin kinakalap ng PDRRMC ang mga inisyal at parsyal na datos ng mga nasirang imprastraktura, pananim, ari-arian, mga kalsada at tulay at maging casualty ng bagyonhg Karding.

Sa laki ng pinsala na dulot ng bagyo ay agad na idineklara ng Sangguniang Panlalawigan ang
State of Calamity upang makatulong sa mga mamamayan na makabangon muli.

Ipinaliwanag ni Vice Governor Anthony Umali kung paano makatutulong sa mga mamamayan ang pagdedeklara ng State of Calamity kung saan gagamitin ang pondo sa pagpapagawa ng mga nasirang imprastraktura, pambili ng makakain at mga necessities ng mga pamilyang naapektuhan ng bagyo at tulong sa mga mamamayang nasira ang kabuhayan dahil sa bagyo.