Mga empleyado ng gobyerno, nais bigyan ng rice allowance ni Pres. Marcos Jr.

Pinag-aaralan ni President Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng rice allowance ang lahat ng mga manggagawa ng gobyerno sa gitna ng pagtaas ng mga bilihin sa merkado.

Ito ang plano ng pangulo na siya ring namumuno sa Department of Agriculture na matulungan ang mga empleyado na mapagaan ang kanilang mga gastusin at matiyak na may bigas ang bawat pamilya.

Dahil ang pamahalaan ang bibili ng bigas, nilinaw ng pangulo na hindi mawawalan ng negosyo ang mga producers ng bigas dahil magkakaroon ng demand lalo’t maraming bibilhin ang gobyerno.

Ipinunto rin ng punong ehekutibo na maraming malalaking korporasyon ang magbibigay ng allowance sa bigas kaya’t sisimulan na rin ito ng gobyerno.

Samantala, sinagot din ni Pangulong Marcos Jr. ang patungkol sa kanyang campaign promise na gagawing P20 ang kada kilo ng bigas.

Aniya, hindi ito madali at kinakailangan na makabuo ng bagong ideya bago maipatupad ito. Kailangan din na maibalik ng National Food Authority ang dating tungkulin nito.